Politiko sa Mindanao itinuro kaugnay ng Laos drug bust

PDEA

POLITIKO mula sa Mindanao ang sinabing nagpondo sa chartered private jet na nakatakdang gamitin sa pagpupuslit ng 521 kilo ng hinihinalang shabu na nasamsam sa Laos na nagkakahalaga ng P3.54 bilyon

Sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) spokesperson Atty. Joseph Frederick Calulut, hindi pa nila isisiwalat ang pangalan ng ‘financier’ dahil patuloy pa ang imbestigasyon at pangangalap ng ebidensiya.

Pero tiniyak niya, isa itong halal na opisyal na nakabase sa Mindanao.

Ayon kay Calulut, nagkakahalaga ng $49,500 o halos P3.1 milyon ang chartered private jet na sinabing gagamitin sa operasyon.

Kinilala ng PDEA ang dalawang Filipino na pinaghihinalaang sangkot sa kaso na gumagamit ng mga alyas na Fahad at Boyet.

Naaresto si Fahad sa Laos, habang huling namataan si Boyet sa Hong Kong. Natukoy na rin ng mga awtoridad ang iba pang posibleng kasamahan ng dalawa.

Inihahanda ng PDEA ang pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na nagbabawal sa ilegal na pagbebenta, paghahatid, pamamahagi, at pagtutulak ng droga.

Kaugnay nito, kinompirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na mayroon nang 10 persons of interest sa hinihinalang smuggling operation, ngunit hindi pa matiyak kung kabilang dito sina alyas Fahad at Boyet.

Sa pagkakasamsam ng malalaking kargamento ng ilegal na droga sa Laos at Thailand, nagpulong ang Philippine Center on Transnational Crime (PCTC), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), PDEA, PNP Aviation Security Group at Civil Aviation Authority of the Philippines upang talakayin ang mga hakbang laban sa pagpupuslit ng droga sa bansa.

Sinabi ni PAOCC Executive Director Undersecretary Benjamin Acorda, Jr., tinalakay sa pulong ang pagpapalakas ng koordinasyon sa mga dayuhang ahensiya at ang posibleng kaugnayan ng mga nakompiskang droga sa mga lokal na sindikato.

Kabilang sa mga napag-usapan ang mas mahigpit na pagbabahagi ng impormasyon tungkol sa immigration status, kasaysayan ng paglalakbay, at pagtawid sa mga hangganan ng mga pinaghihinalaang indibiduwal upang maagap na matukoy at mapigilan ang kahalintulad na operasyon.