MAHIGIT isang taon bago ang eleksiyon, tila inaayos na ang ‘allignment’ ng mga pangunahing personahe ng politika sa bansa.
Kahapon, umugong ang balitang kumalas si House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP), ang partidong kinabibilangan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sumapi sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD).
Ilang source sa Kamara ang nagsabing nanumpa na si Sandro bilang bagong miyembro ng Lakas-CMD sa isang seremonya na isinagawa noong Lunes, 12 Oktubre.
Dating pinamunuan ni Ex-Speaker Ferdinand Martin Romualdez at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang partido.
Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag si Sandro ukol sa dahilan ng kanyang paglipat ng partido.
Inaasahang lalo pang iigting ang puwersa ng Lakas-CMD sa Kamara sa pagpasok ni Sandro sa kanilang hanay. Sa kasalukuyan, ito ang isa sa pinakamalalaking political party sa Kamara na halos may 70 miyembrong mambabatas.
Samantala, may ilang mambabatas na dating miyembro ng Lakas-CMD ang lumipat sa ibang partido. Kabilang dito si Manila 3rd District Rep. Joel Chua, na sinabing sumapi sa National Unity Party (NUP) na pinamumunuan ni Deputy Speaker Ronaldo Puno ng Antipolo City’s 1st District.
