ni Allan Sancon
HINDI lamang kuwento ng isang ama at anak ang mapapanood sa pelikulang Apol of My Ai dahil tampok din dito ang isang espesyal na relasyon na susubok sa kanilang pagmamahalan.
Bida rito si Zanjoe Marudo bilang si Poli, ama ni Apol na ginagampanan ng child star na si Zion Cruz, sa direksiyon ni Thop Nazareno.
Malaki ang paghanga ni Zanjoe sa ipinakitang pagganap ni Zion, lalo na sa mga eksenang kinakailangan nitong ipakita ang pagiging isang batang unti-unting naghahanap ng sariling pagkakakilanlan. Para kay Zanjoe, kapansin-pansin agad ang potensiyal ng batang aktor.
“Napakagaling na bata, sa simula palang kinakitaan ko na ng galing sa pag-arte,” pahayag ni Zanjoe tungkol kay Zion.
Sa pelikula, si Apol ay isang batang parang binata na kung umasta.
Isa sa mga hamon sa kanyang buhay ang pagkakaroon ng damdamin para sa kanyang choir teacher, habang kasabay nito ay nagkakaroon naman ng lamat ang relasyon nila ng kanyang amang si Poli.
Mas naging personal para kay Zanjoe ang pagganap bilang isang ama dahil isa na rin siyang tatay sa tunay na buhay.
Gayunman, aminado siyang may malaking pagkakaiba ang kanyang sariling karanasan sa sitwasyon ng karakter.
“Siguro bilang tatay, malayo pa ako roon sa nang-iiwan ng anak,” ani Zanjoe.
Ngunit bilang isang anak, mas naka-relate siya sa kuwentong ipinakikita ng pelikula.
“Pero naka-relate ako bilang anak naman, bilang ang pamilya namin lagi ring may umaalis, nagtatrabaho sa ibang bansa, kami maiiwan dito sa Pilipinas.
“May mga kamag-anak ako, may mga pinsan din ako, nagse-seaman, kaya alam na alam ko ‘yung sitwasyon,” dagdag pa ng aktor.
Samantala, hindi rin pinalampas ang pagkakataong biruin si Zanjoe tungkol sa kanyang mga karanasan noong siya ay nag-aaral pa—lalo kung nagkaroon ba siya ng crush na teacher.
Hindi naman napigilan ng aktor ang matawa nang malakas bago magbigay ng nakatatawang sagot: “Teacher, naku hindi eh, hindi ako pumapasok eh,” pabirong sambit niya.
Nang sundan pa ang tanong, muli siyang nagbigay ng nakatatawang paliwanag: “Teacher? Parang wala naman, wala akong maalala, kasi tingin ko sa kanila mature na sila para sa akin.”
Sa kabila ng biruan, masasabing ang Apol of My Ai ay may mas malalim na kuwentong haharap sa usapin ng pamilya, pag-alis, pag-iwan, at muling pagkakalapit ng isang ama at anak.
Ang Apol of My Ai ay bahagi ng Puregold CinePanalo Film Festival, na mapapanood mula September 23 hanggang October 4 sa Gateway Cineplex 18, TriNoma, Fairview Terraces, Ayala Malls Feliz, Ayala Malls Circuit, Ayala Malls Manila Bay, at Market! Market! Ang regular ticket ay ₱250, habang ₱200 naman ang discounted rate. May festival pass din na nagkakahalaga ng ₱2,000 para sa mga gustong tutukan ang buong lineup. May discounts para sa PWDs, senior citizens, students, national athletes, at Aling Puring at Perks cardholders.
