Wagdos, umatras sa Asiad Marathon dahil sa lagnat

Bambol Tolentino Hidilyn Diaz

NAGOYA, JAPAN — Hindi na makalalahok si Philippine marathon record holder Sonny Wagdos sa marathon event ng 20th Asian Games matapos tamaan ng mataas na lagnat bago ang kompetisyon.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Wagdos na napilitan siyang umatras dahil sa kanyang kondisyon.

“I’m backing out of the marathon category due to high fever. I don’t know why, maybe it’s hard to adapt to the weather from hot to cold. Sayang talaga preparation namin,” ani Wagdos.

Ayon kay Philippine Athletics Track and Field Association Secretary General Jasper Tanhueco, may iniinda nang karamdaman si Wagdos at umiinom na ng gamot bago pa man dumating sa Nagoya.

“He’s feeling better now, but we consulted with Sonny and Coach Vertek. Siyempre, priority natin ang well-being ng athlete. Marathon ‘yun at hindi biro, especially given his condition now,” pahayag ni Tanhueco.

Ang 32-anyos na Philippine Air Force sergeant ang bagong may hawak ng Philippine marathon record matapos itala ang 2:14:32 sa Tokyo Marathon noong unang bahagi ng taon, na bumasag sa 22-taong rekord ng kanyang coach at two-time Olympian na si Eduardo “Vertek” Buenavista.

Inaasahang mangunguna sana si Wagdos sa marathon campaign ng Pilipinas kasama si Richard Salano.

Gayunman, hindi pa tuluyang tapos ang Asiad campaign ni Wagdos dahil nakatakda pa rin siyang sumabak sa men’s 5,000-meter event sa Setyembre 29, kung tuluyan nang gagaling sa kanyang karamdaman.