NAGOYA, JAPAN — Pasok sa finals sina Mazel Paris at Jericho Francisco matapos makuha ang ikaapat na puwesto sa kani-kanilang park skateboarding event sa 20th Asian Games sa Aichi Sky Expo nitong Huwebes.
Sa women’s event, nagtala ang 12-anyos na si Paris ng 73.93 puntos sa Heat 2 para sa ikaapat na puwesto. Nanguna si Japanese bet Mizuho Hasegawa na may 89.15 puntos.
“Masaya talaga. Naipasok ko ang mga run ko at iyon ang goal ko,” ani Paris, na umaasang maulit ang kanyang magandang performance sa finals.
Sa men’s event naman, kumamada si Francisco ng 80.64 puntos para makasiguro rin ng puwesto sa medal round.
“Napakasaya ng naging laro ko. May ilan pa akong tricks na ilalabas sa practice, kaya mag-e-enjoy lang ako,” pahayag niya.
Gaganapin ang finals sa Biyernes, alas-9 ng umaga para sa women’s event at alas-11:30 ng umaga para sa men’s, oras sa Maynila.
Samantala, nagtapos sa ikaapat na puwesto sa Heat 2 si Elizabeth Amador matapos magtala ng 59.99 puntos. (POC Media Pool/HNT)
