“Eala Mania” sa Singapore Filipino star dinumog ng fans

Alex Eala Singapore

MASIGLANG iniulat ng Gulf News na maging ang Singapore ay hindi nakaligtas sa “Eala Mania” dahil ang sikat na Filipino tennis star ay dinudumog ng publiko maging sa kanyang pag-eensayo.

Ulat ng Gulf News, ang popularidad ni Alex Eala ay patuloy na pumapailanglang.

Bawat lungsod na puntahan ng Filipino tennis star ay walang pangingiming niyayakap siya ng mas lumalawak na grupo ng mga tagahanga, at ang Singapore ay hindi nakaligtas dito.

Pagkatapos humakot ng malawak na publiko sa Washington, Toronto, at New York, binitbit ni Alex ang “Eala Mania” sa Singapore. 

Dumagsa ang mga tagahanga sa public Q&A session kahapon, Miyerkoles, isang araw bago ang kanyang opisyal na kampanya sa Singapore Tennis Open laban kay Tatiana Prozorova sa loob ng round of 16.

Isang oras bago ang match schedule sa kanyang ensayo, dumating ang mga tagahanga sa Gate 6 ng National Stadium.

        Mainit na tinanggap si Eala ng karamihan ng tao

habang nakikipagkuwentohan sa host hinggil sa iba’t ibang paksa, mula sa kanyang paboritong pagkain, musika, at mga karanasan sa paglalakbay. Binasa rin niya ang mga mensahe mula sa kanyang fans.

        Kabilang sa mga nanonood ang mga tagasuportang sumubok dati ngunit nabigong makita siyang naglalaro, ganoon din ang mga tagahangang nakasuot ng Eala’s blue US Open kit.

Pagkatapos ng isang oras na Q&A session, nagtungo si Eala sa Court 1 para mag-ensayo. Bukas sa publiko ang 30-minutong workout, kaya personal na nakita ng ibang fans kung paano maghanda ang World’s No. 18 sa paghaharap nila ni Prozorova.

Kasama ni Eala sa court si Sandro Viaene, ang kanyang coach mula sa Rafa Nadal Academy.

Pagkatapos ng ensayo, muling nakihalubilo sa kanyang fans si Eala habang matiyagang naghihintay ang marami sa kanila na may dalang caps, tennis balls, at iba pang merchandise, at umasang makapagpapa-autograph at magkapagse-selfie sa Filipino tennis star.

        Nang tanungin kung handa sila sa “Eala Mania” — ang lumalawak na phenomenon sa kapaligiran ng Filipino tennis star —  napangiti ang Singapore Tennis Open co-tournament directors na sina Laura Ceccarelli at Yazed Osman.

“Palagay ko, mahirap sabihin na handa na kami

(I don’t think we can ever be ready),” ani Ceccarelli.

“Bawat araw ay isang sorpresa. Iba’t iba ang maririnig araw-araw. (It’s a surprise every day. You hear more and more).”

Laging bukas si Osman sa lumalawak na suporta mula sa Filipino community, at binigyang-diin ang koneksiyon ng atleta at ng mga tahaganga.

“We welcome the Filipino community to support their star player,” ani Osman. “This is something we create not only for the Singapore community, but for having that connection between athletes and fans.”

Lalong naging espesyal ang okasyon lalo nang mabanggit ang karanasan ni Eala sa Singapore, halos isang dekada na ang nakararaan.

Noong 2016 at 2017, lumaban si Eala sa WTA Future Stars sa Singapore, at nakatanggap siya ng special award.

“Eala came here when she was very young,” kuwento ni Osman.

“She even won a special award — the Li Na Award, for the most inspirational player of the future,” dagdag ni Ceccarelli. (Halaw mula sa Gulf News)