Saclag, pilak matapos bumigay sa finals

Jean Claude The Dynamite Saclag Otabek Rajabov 2026 Asian Games

NAGKAMIT ng pilak si Jean Claude “The Dynamite” Saclag matapos mabigo kay Otabek Rajabov ng Tajikistan sa men’s traditional -65kg mixed martial arts final ng Aichi-Nagoya 2026 Asian Games.

Bitbit ni Saclag ang matinding panghihinayang dahil target niyang makuha ang gintong medalya matapos ang kanyang pilak sa wushu noong 2014 Incheon Games.

“Sayang talaga. Gusto ko talagang mag-gold. Malungkot ako, hindi lang dahil natalo ako kundi dahil sa performance ko,” ani Saclag.

Ayon sa Pinoy fighter, naging malaking problema niya ang lakas ni Rajabov sa ground game.

“Akala ko nag-improve na ako, pero grabe ang higpit niya sa baba. Gusto kong tumayo para makabalik sa laban, pero hindi niya talaga ako pinatayo,” dagdag niya.

Sa kabila ng kabiguan, nakita ni Saclag ang malinaw na dapat niyang pagtuunan ng pansin—ang kanyang ground game.

“Gagamitin ko itong kabiguan para mag-improve pa. Kailangan ko pang husayan ang ground game ko,” sabi niya.

Inamin din niyang naging atat siya sa second round matapos isipin na nakuha na niya ang unang round. Dahil dito, hindi niya lubos na naisakatuparan ang plano niyang umasa sa striking, manatili sa distansya at umiwas sa takedown.

Gayunman, nagpapasalamat pa rin si Saclag sa pagkakataong makapasok sa finals at makapag-uwi ng medalya para sa Pilipinas.

“Sayang, pero thankful pa rin ako. Nakarating tayo sa finals at safe pa ako,” ani Saclag.

“Maganda ang laban at ipinakita niya ang matinding puso. Humingi siya ng tawad, pero sinabi ko sa kanya, ‘Mahalaga at espesyal ang pilak na iyan. Ipagmalaki mo, JC.’” — PSC Chairman Patrick Gregorio kay Jean Claude Saclag.

Sa pagbabalik sa Pilipinas, tututukan niya sa susunod na dalawa hanggang tatlong buwan ang pagpapalakas ng ground game bilang paghahanda sa susunod niyang kabanata sa MMA. (POC Media Pool/HNT)