5th Gateway art fair, inilunsad; 200+ Pinoy artist, tampok sa Araneta City

Araneta Diane C Romero JAAF Abdulmari Ymao Jr UP-CFA

QUEZON CITY — Pormal nang inilunsad ang 5th Gateway Art Fair 2026, na muling nagbukas ng mas malaking entablado para sa mahigit 200 Filipino artists mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Isinagawa ang launching nitong Setyembre 22 sa World Kitchens, Gateway Mall 2, Araneta City, bilang paghahanda sa apat na araw na art fair na gaganapin mula Oktubre 1 hanggang 4. Pangungunahan ito ng J. Amado Araneta Foundation (JAAF), katuwang ang Gateway Gallery at Araneta City, at co-presented ng Metrobank.

Bilang bahagi ng programa, nilagdaan din ang Memorandum of Understanding (MOU)  nina Ms. Diane C. Romero, Executive Director ng JAAF at Prof. Abdulmari Ymao, Jr., Dean ng University of the Philippines College of Fine Arts (UP-CFA) para sa Gateway Art Fair 2026. Tampok din ang turnover ng Art in the City art kits para sa mga batang may special needs at mga estudyanteng may kapansanan mula sa Pateros, Pasig, Basilan at Sulu.

Inihayag din sa launching ang mga bagong programa para sa mga artist, kabilang ang capacity-building workshops na isasagawa katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) NCR. Layunin nitong palakasin ang kaalaman ng mga artist sa marketing at pagnenegosyo at matulungan silang maging mas handang creative entrepreneurs.

Tampok din sa ika-5 edisyon ang unang Gateway Art Fair Awards at serye ng libreng art talks at workshops sa Oktubre 2 hanggang 4 sa Gateway Mall 1. Pangungunahan ito ng mga batikang artist at eksperto mula sa UP College of Fine Arts, na inaasahang magbibigay ng dagdag na kaalaman at oportunidad sa mga bagong henerasyon ng Filipino artists. (HNT)