HINDI akalain ng isang amo na kaya siyang nakawan ng pinagkatiwalaan niyang 18-anyos kasambahay ng pera, alahas, at iba pang mahahalagang kagamitan na tinatayang nagkakahalaga ng P.5-milyon, kasama ang isang kasabwat, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Banaba Cerca, bayan ng Indang, sa lalawigang ito.
Sa imbestigasyon ng Indang Police, ipinasa ng barangay sa pulisya matapos nilang dakpin ang kasambahay na isang alyas Leah, 18 anyos, dahil sa anila’y pagnanakaw sa kaniyang amo.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, mula sa kuha ng CCTV, nakitang pumasok ang kasambahay sa kuwarto ng kaniyang amo at kinuha ang mga pera, alahas, at iba pang gamit na nakalagay sa drawer ng cabinet ng biktima.
Bago ang insidente, nakita rin sa CCTV na may kausap si Leah sa kaniyang cellphone bago isagawa ang pagnanakaw.
Lumalabas na inilagay ng suspek sa isang paper bag ang mga ninakaw at minuto lamang ay may dumating na isang lalaking nakamotorsiklo at iniabot niya ang paperbag na naglalaman ng mga nakumlimbat nito.
Nadiskubre rin ang isa pang paper bag na nasa gilid na ng bahay na naglalaman din ng pera, alahas, at iba pang gamit sa bahay na posibleng kasama sa mga ninakaw ng suspek.
Agad nag-report sa barangay ang amo, dahilan upang arestohin ang nasabing kasambahay saka dinala sa himpilan ng pulisya.
