MANILA — Patuloy na pinatutunayan ni 13-anyos na si Christine May Morales na siya ang nangungunang cadet fencer sa bansa matapos masungkit ang gintong medalya sa Cadet Women’s Foil sa 3rd Leg Cadet and Junior Championships sa Rizal Memorial Coliseum, Malate, Manila.
Nilampaso ni Morales, Grade 8 student-athlete at scholar, ang mas matatandang kalaban, kabilang ang kanyang kakampi sa University of the East na si Willa Liana Galvez, 15-4, sa championship bout upang mapanatili ang kanyang puwesto bilang No. 1 cadet fencer sa Under-14 class.
Bago ang finals, hinarap ni Morales ang kapwa national team member at UE teammate na si Yuna Samuelle Canlas sa semifinals at nanaig, 15-13, matapos ang dikdikang laban.
Sa preliminary rounds, tinalo rin niya sina Yuki Togawa ng HCFC, 15-7, at Regina Zenais Pascual ng Team RF, 15-7, matapos makatanggap ng first-round bye.
Dumagdag ang panalo sa patuloy na pag-angat ni Morales sa international fencing. Noong nakaraang buwan, nakaharap niya si Canlas sa all-Filipino finals ng Cadet Women’s Foil sa SEAFF Junior and Cadet Championships sa Kuala Lumpur, Malaysia, kung saan muli siyang nagkampeon.
Tumapos ang Pilipinas sa ikatlong puwesto sa naturang torneo matapos mag-uwi ng 5 gold, 7 silver at 13 bronze para sa kabuuang 25 medalya.
“Very happy and excited ako na na-sweep namin ang podium. Napakahirap ng laban namin nina Yuna at Willa,” ani Morales.
Nagpasalamat din siya sa Diyos at pamilya na aniya’y malaking sandigan sa kanyang tagumpay.
“More sacrifices pa and training para mas mapahusay ko pa ang skills ko at hopefully ma-represent ko ang Team Philippines sa SEA Games, Asian Games at, siyempre, Olympics, tulad ng idol ko na si Ate Sam (Catantan),” dagdag niya.
Sa taas na 5-foot-6, kapansin-pansin na ang potensiyal ni Morales habang patuloy na hinuhubog ang kanyang kasanayan at karanasan sa mga pambansa at internasyonal na kompetisyon.
Ang 3rd Leg Cadet and Junior Championships ay co-presented ng Philippine Fencing Association (PFA) at Philippine Sports Commission (PSC). (HNT)
