TOYOHASHI CITY — Naghatid ng panibagong medalya sa Pilipinas si Marie June Adriano matapos masungkit ang bronze medal sa women’s kumite -50kg sa 20th Asian Games nitong Miyerkules.
Tinapos ni Adriano, 22, ang kampanya sa matikas na paraan nang pataubin ang Chinese Taipei’s Ya-chi Chung, 10-3, sa bronze-medal match para makamit ang kanyang unang medalya sa Asiad.
Bago ang laban para sa bronze, nilampasan ng Pinay karateka sina Cambodia’s Srey Phea Chonn, 4-3, at South Korea’s Yang Yewon, 4-0, bago yumuko kay Hong Kong’s Tsang Yee Ting, 5-4, sa semifinals.
Mas naging espesyal ang panalo ni Adriano dahil first-timer niya sa Asian Games at dalawang beses na rin niyang nakalaban at natalo si Chung.
“Pangatlong beses na po naming nagharap,” ani Adriano, na nagsabing binalikan niya ang kanilang mga nakaraang laban at inayos ang kanyang taktika para sa deciding bout.
“Mas nagtiwala po ako sa technique ko, sa kung ano yung baon ko, kung ano yung trinain ko para sa competition na ito,” dagdag ng 22-anyos na Human Kinetics student ng PUP at tubong Llanera, Nueva Ecija.
Malaking tulong din aniya ang paalala ng kanyang coach na manatili sa gitna at hintayin ang tamang pagkakataong umatake.
“Sa atin na ito, sa amin na ito. Kailangan ko lang mag-work,” sabi ni Adriano.
“Super laking bagay niya para sa akin. As a first-timer, talagang yung pressure, nandoon lahat,” ani Adriano. “Sobrang happy po ako na isa ako sa napili at nakapagbigay ako ng medalya para sa Pilipinas.”
Ang bronze ni Adriano ang ikalawang medalya ng Pilipinas sa karate at ikalimang medalya ng bansa sa torneo.
Isang araw bago nito, nag-uwi rin ng bronze ang Philippine women’s kata team nina Rebecca Cyril Torres, Samantha Emmanuelle Veguillas at Ysabielle Arrogante. (POC Media Pool/HNT)
