NAGBABALA si Senate Finance Committee Chairperson Senador JV Ejercito sa dumaraming mental health cases at HIV infections ng mga kabataan kasabay ng panawagan sa Department of Health (DOH) na paigtingin ang mga kampanya sa impormasyon at palawakin ang pag-access sa mga kasalukuyang serbisyo ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Ejercito ang kagyat na pangangailangan na tugunan ang magkakaugnay na krisis ng kabataan, kailangan ang maagang pagtukoy, mas mabuting pagpapalaganap ng impormasyon, at pinalawak na mga pakete ng pangangalagang pangkalusugan.
“With regard to mental health, we have repeatedly raised alarm over an increasing number of suicide and mental health cases among Filipino youth, particularly students. We need sufficient funding, not only for treatment, but also for early detection, counseling, and prevention,” ani Ejercito.
Bagama’t nagbibigay ang DOH ng libreng mental health maintenance medicines at ang PhilHealth naman ay nag-aalok ng partikular na care packages, sinabi ni Ejercito na karamihan sa mga target na benepisyaryo ay nananatiling walang alam tungkol sa mga nasabing benepisyo.
Dagdag ng senador, dapat doblehin ng pamahalaan ang kanilang pagsisikap na maabot ang publiko dahil naniniwala siyang ang mental health issue ay isang “clear and present danger”.
“We are providing ‘yung mga maintenance medicines, which are very expensive, for mental health maintenance meds. Kaya lang ang problema, people are not aware of this. People just do not know. Sayang naman, DOH is offering mental health programs that are not being availed of,” ani Ejercito.
Sa pagdinig sa Senado noong nagdaang linggo, ibinunyag ni PhilHealth Acting President and CEO Dr. Beverly Ho na nanatiling mababa ang claims para sa PhilHealth General Mental Health Service and Specialty Mental Health Package kung saan nakapagtala ng 7,500 claims noong 2025 at 651 lamang noong 2026.
Sabi ng DOH, bahagi ng hamon ang pagpaparami ng bilang ng mga accredited at sanay na tagapagbigay ng serbisyong pang-mental health sa buong bansa.
Sa naturang pagdining, naalarma si Ejercito sa datos mula sa civil society organizations (CSOs) na nagpapakita na ang Filipinas ay may pinakamataas na human immunodeficiency virus (HIV) incidence sa Timog Silangang Asya, kung saan 30 porsiyento ng mga mga menor de edad ay mayroon nito.
“Hindi natin puwedeng ipagsawalang-kibo na tayo ang may pinakamataas na kaso ng adolescent HIV sa Southeast Asia. Buhay at kinabukasan ng ating mga kabataan ang nakataya rito. Kailangan nating doblehin ang efforts natin para ma-educate at maprotektahan ang ating mga kabataan,” ani Ejercito. (NIÑO ACLAN)
