Lady Warriors, Lady Blazers kumakasa sa semis

V-League Collegiate Challenge 2026

V-League standings

Women W-L Pts.
*AU 5-0 12
AdU 4-1 13
UST 3-2 9
CSB 2-3 8
UPHSD 2-3 7
UE 2-3 6
SBU 2-3 4
CSJL 0-5 1

Men
*CSJL 5-1 12
NU 4-1 12
FEU 3-0 8
UST 2-3 8
CSB 2-3 7
AU 2-3 6
DLSU 2-3 6
MU 0-6 1

*Semifinals

Games today
(Gameville Central Park)
10 a.m. – AU vs MU (Men)
12 noon – DLSU vs FEU (Men)
3 p.m. – CSJL vs UE (Women)
5 p.m. – CSB vs UPHSD (Women)

KAILANGANG magpakitang-gilas ng University of the East (UE) at College of Saint Benilde (CSB) para manatiling buhay ang kanilang kampanya sa semifinals ng V-League Collegiate Challenge ngayong Sabado sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.

Makakasagupa ng Lady Warriors ang Letran Lady Knights alas-3 ng hapon, habang Lady Blazers at University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) Lady Altas naman ang magtutuos alas-5.

Kapwa may 2-3 kartada ang UE, CSB at UPHSD kaya bawat panalo ay malaking hakbang sa kanilang paghabol sa top four.

Haharap ang UE sa Letran na wala pang panalo sa limang laro. Gayunman, hindi maaaring maliitin ng Lady Warriors ang Lady Knights, na tangan ang kumpiyansa bilang reigning NCAA champions.

Samantala, kapwa gigil ang CSB at UPHSD na makuha ang mahalagang panalo upang manatiling kasali sa masikip na labanan para sa semifinals.

Nakatuntong na sa semis ang Arellano University matapos walisin ang unang limang laro, habang nasa ikalawang puwesto ang defending champion Adamson University sa 4-1. Pangatlo ang University of Santo Tomas sa 3-2.

Sa men’s division, maghaharap ang defending champion Far Eastern University at De La Salle University alas-12 ng tanghali, habang sasalang naman ang Arellano University kontra Mapúa University alas-10 ng umaga.

Nangunguna sa men’s standings ang Letran sa 5-1, kasunod ang National University sa 4-1 at FEU sa 3-0.

Dikit din ang labanan para sa natitirang semifinals slots, kung saan kapwa may 2-3 rekord ang UST, CSB, Arellano at La Salle. (PVL/HNT)