MAS lumapit ang Filipinas sa quarterfinals ng 20th Asian Games matapos pataubin ang Hong Kong, 2-0, sa Matchday 2 nitong Huwebes, Setyembre 17, sa Nagaragawa Stadium sa Gifu, Japan.
Umakyat sa ikalawang puwesto sa Group G ang Filipinas matapos umani ng apat na puntos, kasalo ang China ngunit nasa likod sa goal difference. Dahil dito, malaki ang tsansa ng koponan na makapasok sa quarterfinals sa ikalawang sunod na Asian Games.
Pinuri ni Philippine Football Federation (PFF) President John Anthony Gutierrez ang panalo na aniya’y malaking dagdag-kumpiyansa bago ang kanilang susunod na laban kontra China.
“The girls have earned every bit of this. What I love most is seeing our veterans and rising stars feed off each other’s energy,” ani Gutierrez.
Nanguna sa pag-atake ang Filipinas nang umiskor si Skye Leach sa ika-12 minuto, matapos niyang samantalahin ang depensa ni Tsang Pak Tung sa header ni winger Inday Tolentin.
Ito ang unang international goal ni Leach sa kanyang ikalawang cap para sa national team.
Pinalobo naman ni Mallie Ramirez ang kalamangan sa ika-63 minuto matapos tapusin ang cross ng substitute winger na si Megan Murray mula sa masikip na anggulo. Ikatlong international goal na ito ni Ramirez.
Sinubukan ng Hong Kong na makabalik sa laro ngunit matatag ang depensa ng Filipinas. Dalawang beses muntik makaiskor si Leung Hong Kiu Anke, kabilang ang kanyang tira sa ika-48 minuto na tumama sa kanang poste.
Naging sandalan din si goalkeeper Olivia McDaniel, kabilang ang mahalagang pagsagip sa pagtatangka ni Cheung Wai Ki sa ika-87 minuto.
“Any goal I get to score for this national team, it’s special every time. Being able to score in such a crucial game is a cool experience for me,” ani Ramirez, na dalawang beses ding nakapuntos sa 2025 Southeast Asian Games.
Samantala, umiskor sa milestone sina Jackie Sawicki at Hali Long.
Nakuha ni beteranong midfielder Sawicki ang kanyang ika-50 international cap, kasunod ni Carleigh Frilles na umabot sa parehong milestone sa nakaraang laro kontra Uzbekistan.
Samantala, itinabla ni team captain Hali Long ang rekord ni men’s football legend Phil Younghusband para sa pinakamaraming international appearances ng isang Pilipinong footballer sa 108 laro.
Ayon kay head coach Mark Torcaso, naging susi sa panalo ang mahusay na pagsunod ng kanyang mga manlalaro sa game plan at ang lalim ng kanilang lineup.
“We stuck to our plan and we got the outcome we needed,” ani Torcaso, habang pinuri rin niya ang naging ambag ni Leach at ng mga beterano at substitute.
Nauna rito, nagtabla ang China at Uzbekistan, 1-1, dahilan para manatili ang China sa itaas ng Group G, habang nasa ikatlo ang Uzbekistan na may dalawang puntos. Nanatiling walang panalo ang Hong Kong matapos ang dalawang laro.
Susunod na haharapin ng Filipinas ang China sa Setyembre 21, alas-3 ng hapon, oras sa Pilipinas, sa Nagaragawa Stadium sa Gifu para sa huling laro sa group stage. (PSC/HNT)
