SUBIC BAY — MULING nagbabalik sa eksena ang Subic Bay bilang posibleng bagong sentro ng international sports tourism sa bansa matapos ihayag ang planong pagdaraos ng dalawang prestihiyosong torneo sa 2027.
Target na idaos sa Subic ang Philippine Ladies Golf Open Championship sa Pebrero 2027 at isang Women’s Tennis Association (WTA) tournament, sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission (PSC) at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Nagkaisa sina PSC Chairman Patrick Gregorio at SBMA Chairman Eduardo Alino na buhayin ang dating ningning ng Subic bilang world-class sports destination sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga pasilidad at pagdadala ng malalaking international competition.
“Subic has the potential to be the breeding ground of the nation’s finest athletes while standing tall as a remarkable sports tourism destination,” pahayag ni Gregorio. Aniya, ang pagho-host ng world-class tournaments ay makatutulong upang mahikayat ang mga komunidad at maiangat ang Philippine sports sa pandaigdigang pamantayan.
Sinimulan ni Gregorio ang kanyang pagbisita sa Subic International Golf Club (SIGC) kasama sina Philippine Tennis Association secretary general at Navotas City Mayor John Rey Tiangco, PSC Chief of Staff Prof. Loujaye Sonido at golf tournament organizer Migs Almeda.
Nakipagpulong sila kina SIGC President/COO Rei Miyamoto, General Manager Delnar De Vera, EVP Narumi Atarashi at SBMA Director Honorio “Yuri” Allado para talakayin ang posibleng pagho-host ng Philippine Ladies Golf Open Championship.
Pinag-aaralan ng PSC, SIGC at SBMA ang tatlong taong partnership kasama ang National Golf Association of the Philippines para sa torneo na inaasahang magtitipon sa mga pinakamahusay na babaeng golfer mula sa iba’t ibang bahagi ng Asya.
Kasunod nito, ipinasyal ni Allado si Gregorio sa Subic Bay Sports Complex, kabilang ang makasaysayang Remy Field, 2,000-seat gymnasium, apat na covered tennis court, beach volleyball court at 25-meter swimming pool.
Gayunman, nangangailangan ang mga pasilidad ng kinakailangang rehabilitasyon upang muling maging angkop sa international competitions.
Ayon kay Tiangco, kapag na-upgrade ang tennis courts, maaari nang tanggapin ng Subic ang isang WTA tournament na magdadala ng mga manlalaro, fans at tennis federations sa Freeport.
Matatandaang naging host na ang Subic ng malalaking international sporting events, kabilang ang 2005 at 2019 Southeast Asian Games, gayundin ang mga triathlon competition na sinamantala ang magandang kalsada at tanawin ng lugar.
Layunin ngayon ng PSC at SBMA na ibalik ang dating sigla ng Subic Bay Sports Complex sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga kinakailangang renovation gamit ang pondo ng dalawang ahensya.
“Hosting international tournaments is not just about upgrading facilities, it’s about uplifting the entire community, inspiring athletes, and showcasing the Philippines as a world-class sports destination,” ani Gregorio.
Sa sandaling maisakatuparan, inaasahang magiging mahalagang hakbang ang mga international tournament sa muling pagpoposisyon sa Subic Bay bilang pangunahing sports at tourism hub sa bansa. (PSC/HNT)
