I’m Perfect gagawan ng docu 

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez

MASAYANG ibinalita ni Sylvia Sanchez na gagawan nila ng documentary ang pelikulang I’m Perfect na ididirehe ng award winning documentarist na si Ditsi Carolino.

Ani Sylvia sa pakikipag-usap namin sa kanya sa pa-surprise birthday party para kay Ynez Venerazion, ipakikita sa I’m Perfect Docu ang mga behind the scene ng pelikula.

Ang ‘I’m Perfect Docu’ ‘yun ang puso ng ‘I’m Perfect’ movie. Roon makikita ang hirap nina Krystel, Earl at ng iba pang bida. Tulad ng kapag nagco-collapse sila na sasabihin sa kanila pahinga muna, sila naman, ‘no let’s take,’ tapos grabe ang iyakan.

Ang ‘I’m Perfect’ movie for awareness naman,” pagbabahagi pa ni Sylvia.

Sinabi pa ng producer ng I’m Perfect na dadalhin nila ang docu sa abroad at isasali sa mga competition bago ipalabas dito sa Pilipinas. 

Bale ang I’m Perfect Docu in competition abroad o abroad to Philippines while ‘yung movie na I’m Perfect from Phils to abroad,” sabi pa ng premyadong aktres.

Ang puso kasi rito, story ha, ito makikita kung paano naghirap, kung paano ginawa, kung paano lumabas na ‘yung mga batang may Down Syndrome, nakagawa ng pelikula.

So roon ninyo sila hahangaan, mas lalong hahangaan,” saad pa ni Sylvia.

Bale ani Sylvia, this year sa abroad ipalalabas ang docu at next year dito sa Pilipinas.

Naikuwento rin ni Sylvia ang tatlong pelikula na co-prod ng Nathan Studios, na in competition sa Busan International Film Festival ngayong Oktubre, ito ang Filipiñana, Nagi Notes, at Ria.

Nag-premiere night naman sa Japan last August 29 sa Shinjuku Piccadilly Cinema sa Tokyo, ang Nagi Notes. 

“Ito ‘yung movie na co-produce ko with Momo Film Co of Singapore at mga producer sa Japan (Tokyo Garage, Survivance, Star Sands, Hassaku Lab). Ginawa namin ito two years ago na ngayon lang naipalabas,” pagbabahagi pa ni Sylvia.

Ang Nagi Notes ay isang pelikulang drama na batay sa dulang Tokyo Notes ni Oriza Hirata. Pinagbibidahan ito nina Shizuka Ishibashi bilang si Yuri, isang arkitekto na nakabase sa Tokyo na naglalakbay sa rural village ng Nagi para bisitahin ang kanyang kaibigan at dating hipag, si Yoriko (Takako Matsu) para mag-pose  para sa isang sculpture.Pinagbibidahan din ito nina Ken’ichi Matsuyama, Kawaguchi Waku, at Kiyora Fujiwara. Isinulat at idinirehe ni Koji Fukada.

Nagkaroon ito ng world premiere sa main competition ng 2026 Cannes Film Festival noong Mayo 13, 2026 na lumaban ito para sa Palme d’Or at Queer Palm.

Ayon kay Sylvia showing na ito ngayon sa Japan. “Nagregular showing na at malakas siya, kumikita sa Japan at dadalhin dito sa Pilipinas at lalagyan ng sub title na English.”

Sa kabilang banda, ibinalita rin ni Sylvia na gagawa ng series ang mga batang bida sa I’m Perfect na ididirehe pa rin ni Sigrid Andrea Bernardo, ang  direktor ng ImPerfect movie.

Imperfect cast pero iba ito, hindi connected sa dati. “

Ang ganda ng title, ayoko pang ilabas,” ani Sylvia tungkol sa kanilang upcoming 2027 series na either mainstream TV o online streaming.

Umaariba pa rin ang pelikulang ImPerfect dahil isa ito sa walong mga pelikulang pinagpipilian na ipadadala bilang entry ng Pilipinas sa prestigious na Academy Awards o Oscars.

Bukod dito, ang dalawang lead stars ng pelikula ay nominado sa nalalapit na Gawad Urian. Nominado si Krystel Go bilang Best Actress at si Earl Go naman ay nominado bilang Best Actor.

Sinabi ni Sylvia na masaya siya sa nominasyon ng dalawa.

Iyon ‘yung goal ko, na mapansin talaga ‘yung mga bata, ma-nominate, huwag na ako, huwag na kami, iyong mga bata.”

Ang “kami” na tinutukoy ni Sylvia ay ang mga beteranang aktres na kasama rin sa pelikulang ImPerfect, sina Lorna Tolentino at Janice de Belen.