Hosting ng Mindanao Youth Games target sa 2027
Satellite campus ng National Academy of Sports isinusulong sa Lanao del Norte

NAS Emil Arroyo PSC Pato Gregorio Imelda Quibranza-Dimaporo

CAPAS, TARLAC — Tinututukan ng mga opisyal ng Lanao del Norte ang posibilidad na magkaroon ng satellite campus ng National Academy of Sports (NAS) sa Mindanao Civic Center (MCC) sa Tubod.

Bumisita ang mga opisyal ng lalawigan sa NAS sa New Clark City upang pag-aralan ang posibilidad ng pagtatayo ng kahalintulad na pasilidad sa Mindanao, kabilang ang mga dormitoryo para sa mga batang atleta.

Personal na ipinasyal ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio kay Lanao del Norte Congresswoman Imelda Quibranza-Dimaporo at Provincial Administrator Lyndon Calica ang makabagong pasilidad ng NAS.

Ayon kay Gregorio, layunin ng NAS na hubugin ang mahuhusay na grassroots athletes at ihanda sila upang maging mga medal-winning national athlete.

“Ang NAS ay idinisenyo upang linangin ang pinakamahuhusay na grassroots athletes at ihanda sila para maging mga atletang makapag-uuwi ng medalya para sa bansa. Kung magkakaroon ng kahalintulad na pasilidad sa Mindanao, mabibigyan ang mga batang atleta roon ng parehong pagkakataon nang hindi kinakailangang agad na lumayo sa kanilang pamilya,” ani Gregorio.

Itinatag ang NAS upang tumuklas at humubog ng mahuhusay na high school athletes at magbigay ng malinaw na landas mula elementarya at sekundarya patungo sa pagiging elite national athletes at kinatawan ng Pilipinas sa mga pandaigdigang kompetisyon.

Si Department of Education Secretary Sonny Angara ang chairman ng NAS, habang si Gregorio ang vice chairman ng board of directors sa ilalim ng pamumuno ni NAS Executive Director Prof. Francis Diaz.

Para kay Quibranza-Dimaporo, magiging malaking tulong sa kabataan ng Mindanao ang pagkakaroon ng satellite campus ng NAS sa MCC.

“Magiging game-changer para sa ating kabataan ang satellite NAS campus sa Mindanao Civic Center. Magbubukas ito ng mga oportunidad para sa mga atletang Mindanaoan na makapagsanay, makapag-aral at mangarap na katawanin ang bansa sa mga pandaigdigang kompetisyon,” ani Quibranza-Dimaporo.

“Layunin nitong bigyan sila ng pag-asa at malinaw na landas tungo sa tagumpay,” dagdag niya.

Pinangunahan naman ni NAS Deputy Executive Director Emil Arroyo ang campus tour para sa delegasyon ng Lanao del Norte.

Samantala, kinumpirma ni Calica, na kumatawan kay Lanao del Norte Governor Mohamad Khalid, na magiging host ang lalawigan ng kauna-unahang Mindanao Youth Games sa Abril 11–17, 2027 sa MCC.

Tinatayang libu-libong atleta na edad 18 pababa mula sa 33 lungsod sa anim na rehiyon ng Mindanao ang lalahok, kasama ang Timor-Leste bilang guest team.

Labindalawa hanggang 15 sports ang paglalabanan, kabilang ang football, athletics, swimming, basketball, volleyball, archery, tennis, combat sports at weightlifting.

“Ipapakita ng Mindanao Youth Games ang pinakamahuhusay nating batang atleta at itatampok ang Lanao del Norte bilang sentro ng sports tourism. Hindi lamang ito tungkol sa kompetisyon, kundi tungkol din sa kapayapaan, kaunlaran at pagbibigay sa kabataan ng entablado upang magningning,” ani Calica.

May lawak na 66 ektarya ang Mindanao Civic Center sa Tubod at kinikilala bilang isa sa mga pangunahing sports venue sa bansa.

Tampok dito ang FIFA-certified football pitch at World Athletics-standard track and field oval na pasado sa international competition requirements.

May Olympic-size swimming pool din ang MCC, kasama ang 25-meter training pool para sa elite swimmers at grassroots development.

Sa loob naman ng 5,000-seater gymnasium ay idinaraos ang mga laban sa basketball at volleyball, habang mayroon ding mga pasilidad para sa archery, tennis, combat sports at weightlifting.

“I think you have the best sports facilities in the country. Maybe you don’t realize it, but it is really world-class,” pahayag ni Gregorio kay Quibranza-Dimaporo sa Lanao del Norte Sports and Youth Summit sa Tubod noong nakaraang buwan.

Kasabay nito, pinalalawak pa ang MCC sa pamamagitan ng pagtatayo ng baseball at softball diamond sa pakikipagtulungan ng lalawigan, PSC at Philippine Amateur Baseball Association (PABA).

Dahil dito, higit pang pinatitibay ang MCC bilang multi-sport hub na hindi lamang kayang mag-host ng malalaking kompetisyon kundi magsisilbi ring training ground ng mga susunod na henerasyon ng atletang Mindanaoan.

“Mapagtatanto ng mga tao na hindi lamang tayo nagho-host ng mga event sa Manila. Pumupunta rin tayo sa labas ng Metro Manila, sa Visayas at Mindanao. Nakatuon din tayo sa pagbuo ng mga regional training center. Kapag na-upgrade ang mga pasilidad sa mga probinsiya, nagkakaroon din sila ng pagkakataong mag-host ng mga kompetisyon,” ani Gregorio.

Nauna nang naging venue ang MCC ng 2003 Palarong Pambansa at ngayon ay itinutulak bilang regional training center para sa football, baseball at iba pang sports.

Sa pagtutulungan ng panukalang NAS satellite campus at pagho-host ng unang Mindanao Youth Games, malinaw ang ambisyon ng Lanao del Norte na maging pangunahing destinasyon ng sports sa Mindanao. (PSC/HNT)