Handa sa hamon ng back-to-back title
San Beda head coach kompyansa sa kabila ng nawalang players, injury bago ang NCAA Season 102

NCAA Season 102 mens basketball coaches

MANILA — Bagama’t sinalubong ng ilang problema ang paghahanda ng San Beda University sa offseason, nananatiling kumpiyansa si coach Yuri Escueta na kaya ng Red Lions na ipagtanggol ang korona sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament.

Matapos ang press conference ng torneo sa Mall of Asia Arena nitong Lunes, inamin ni Escueta na naging mahirap ang offseason ng defending champions, lalo’t malaking bahagi ng kanilang championship lineup ang nawala.

Gayunman, sinabi ng San Beda mentor na “satisfied” siya sa naging paghahanda ng koponan, kabilang ang pagsabak nito sa mga torneo sa Filoil at AsiaBasket.

“Bilang coach, satisfied ako sa preparations namin at sa mga tournament na sinalihan namin sa Filoil at AsiaBasket. Mga tournament ‘yon kung saan naghanda talaga kami,” ani Escueta.

Isa sa pinakamalaking dagok sa San Beda ang injury ni starting point guard Nygel Gonzales, na nagtamo ng ACL injury bago pa man tuluyang magsimula ang kanilang title defense.

Mabuti na lamang, ayon kay Escueta, ay maaga itong nangyari kaya nagkaroon sila ng sapat na panahon upang makapag-adjust at makapaglaro sa offseason nang wala ang kanilang pangunahing playmaker.

Bukod kay Gonzales, lumipat naman sa La Salle si Janti Miller, habang sina Bryan Sajonia, Joe Celzo at Yukien Andrada ay nagtuloy na sa PBA.

Sa papel, tila mabigat ang magiging hamon sa San Beda sa pagtatangkang makamit ang back-to-back championships.

Hindi lamang roster ang problema ng Red Lions dahil kapansin-pansin din ang paglakas ng kanilang mga karibal.

Nagkaroon ng dagdag na armas ang Lyceum at Mapua matapos kunin sina dating PBA coaches Jamike Jarin at Chito Victolero.

Muling sumisigla ang Letran Knights, na sasandigan naman si Titing Manalili, ang reigning Rookie at Freshman of the Year.

Isa rin sa mga dapat bantayan ang Jose Rizal University Heavy Bombers sa ilalim ni coach Nani Epondulan. Halos makapasok sa Final Four ang JRU noong nakaraang season matapos magtala ng 6-7 kartada.

Sa kabila ng mas mabigat na kompetisyon, nananatiling positibo si Escueta sa posibilidad na maidepensa ng San Beda ang korona.

“Everyone’s very positive. Ako bilang coach, confident ako sa team ko pero alam naming magiging hamon ito dahil lahat ng koponan ay lumakas,” pahayag niya.

Mapapanood nang live at libre ang mga laro ng NCAA Season 102 sa mga plataporma ng Cignal sa pamamagitan ng ONE Sports YouTube Channel at CignalPlay app.

Ilang piling laro rin ang mapapanood tuwing Lunes at Huwebes sa RPTV Channel.

Maglulunsad din ng nakalaang NCAA content channel sa NCAA NXT Channel 264 HD ng Cignal bago ang opisyal na pagbubukas ng Season 102. (NCAA/HNT)