ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IPINAHAYAG ni Mojack na handa na siya sa gaganaping concert ng King of Pinoy Rap na si Andrew E. sa Amerika. Ito ang “Andrew E. Live in Arizona” na magaganap sa August 14, 2026 sa Royal Palace Event Venue sa 1915 W Thunderbird Rd. Phx, AZ 85029.
Special guest dito si Mojack, kasama rin dito sina Jawtee, Sixth Threat, Budz & Proy, at si Alvin Caraveo.
“Yes po ready na ako, first time ko po to do a show with him kuya and super excited po ako,” reply sa amin ni Mojack nang naka-chat namin last night.
Pagpapatuloy pa niya, “Super blessed and proud po ako na makasama si Sir Andrew, kasi marami ang nangangarap na makasama po siya sa show on one stage… It’s a blessing po talaga, kasi ang makakasama mo ay idol mo na, isang icon pa…
“Plus, dati po kasi kinakanta ko lang po iyong mga kanta niya na kinalakihan ko pa po. So, sabi ko nga po, super-excited na nga ako na ngayon ko lang naramdaman ang ganitong kaba sa entablado,
promise,” masayang wika ni Mojack.
Aniya, “Nagkasama lang po kami ni Sir Andrew noong nag-shoot sila ng movie na S2pid Luv ni Kuya Blakdyak and kapag nagre-record ako ng original songs ko sa Viva Studio (Amerasian Recording Studio), ‘yun po hehehe.”
Si Mojack ay isang versatile at talented na singer, composer, at comedian na nakabase na ngayon sa Amerika. Siya ay isang multi-awarded na entertainer na lumabas din noon sa pelikula at nakagawa ng ilang super-kuwelang single.
Nakilala noon si Mojack bilang impersonator ni Blakdyak dahil maituturing na mentor niya ito at isang matalik na kaibigan. Isa sa mga awards na napanalunan ni Mojack ang PMPC’s 11th Star Awards for Music, bilang Novelty Artist of the Year para sa kantang “Katuga”.
Inusisa namin kung may production number ba sila ni Andrew sa concert?
Tugon niya, “Wala pa po kaming plan po together on stage, maybe when I get there po. It’s an honor po if magkaroon po kami ng tandem on one stage po.”
Ayon pa kay Mojack, hindi niya makakalimutan ang pagkakataong ito at umaasa siyang makasama niya ulit sa concert si Andrew.
“Bilang master rapper at idol ng marami and mentor at tinitingala ng mga aspiring rapper, itinuturing ko po itong isang achievement, na finally ay makasama ko si sir Andrew.
“Ito po talaga, this is one of the achievements na siguradong hanggang sa pagtanda ko ay hindi ko makakalimutan at hindi ko iniisip na someday we can be together on one stage. And sana po, ang wish ko, this will not be the last, hahaha!”
Since nabanggit niya ang S2pid Luv, kasali ba siya sa movie na ito?
Esplika niya, “Extra lang po ako and at the same time ako ang nag-a-assist kay Kuya Blakdyak at nag-aayos ng mga isusuot niya… at isinuot niya sa shooting for continuations sequence po. In short, ako po ang nag-personal assistant kay Kuya (Blakdyak).”
Noong panahon na iyon, ano ang naaalala niya kay Andrew E?
“Napakabait po talaga ni Sir Andrew kahit noon pa, professional po siya, magaling mag-adlib, mag-facial expressions, at reactions sa mga eksena… and palabiro po talaga. Kasama niya noon ang mga Salbakuta po,” pakli pa ni Mojack.
Napag-usapan din namin ang latest single ng Rap Icon titled “Pasta” na unti-unting nagiging hit na sa masa. Nabanggit ni Mojack na iba talaga ang husay ni Andrew E. sa paggawa ng mga kantang patok sa publiko.
Bulalas ni Mojack, “Ay opo pinakinggan ko po sa YouTube at talagang Icon po siya sa rapping! Napakagaling magkuwento sa pamamagitan ng kanta. Halos lahat po ng kanta niya ay napakinggan ko at alam kong sabayan, kasi sa ibang shows ko ay kinakanta ko rin po ang mga kanta ni Sir Andrew, hehehe.
“Super nakaka-LSS ang song po na Pasta, kasi parang ang point of this song is ‘faster’. If papakinggan po ‘yung song na Pasta, parang in-slang lang sa English ang ‘faster’ – ‘fastah’. Kasi po sa song puro sabi nang babae… ‘Bilisan mo, dalian mo, ibigay mo na… ‘Iyon lang po ang tingin ko, hehehehe.”
