MATABIL
ni John Fontanilla
HINDI muna raw bibigyang pansin ng Kapamilya actor, McCoy de Leon ang pagkakaroon ng bagong relasyon.
Mahigit isang taon na ang nakalipas nang maghiwalay sila ng aktres na si Elisse Joson.
Tsika ni McCoy sa isang interview, “Naku, ang layo (ng love life). Parang wala (sa top three) kasi ang dami ko ngang gusto.”
Mas priority ng aktor ngayon ang pagbuo ng isang matatag na kinabukasan para sa kanyang anak kay Elisse na si Felize at para sa kanyang pamilya.
“Gusto ko maging stable hindi lang ako. Gusto ko maging stable ’yung anak ko at ’yung family ko.
“Kaya ako nagwo-work hard at dinidiskartehan ’yung mga trabaho ko ngayon,” sabi ni McCoy.
Dagdag pa nito, “Gusto ko lang maging stable lahat ng mahal ko sa buhay.”
Mas inuuna ngayon ni McCoy na maibigay ang mga pangangailangan ng kanyang anak na si Felize.
“Sustento lang po. ’Yung maging sure na maganda ang future ng anak ko, ‘yun lang talaga gusto ko.”
At kahit hiwalay na ay magkatuwang pa rin sina McCoy at Elisse sa pag-aalaga at pagpapalaki sa kanilang anak.
