Indonesia Cambodia SEA V Cup

Indonesia, Cambodia magtatapat sa kampeonato ng SEA V Cup

CITY OF CANDON — Maghaharap ang Indonesia at Cambodia para sa kampeonato ng Week One ng SEA V Cup ngayong Linggo sa Candon City Arena.

Asam ng Indonesia na madagdagan ang kanilang titulo matapos nitong walisin ang Vietnam, 25-22, 25-20, 25-22, sa semifinals nitong Sabado.

Katatapos lamang magkampeon ng Indonesia sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Men’s Cup sa India kaya may pagkakataon itong makuha ang ikalawang korona sa loob lamang ng dalawang buwan.

Nauna namang umabante ang Cambodia sa finals matapos pabagsakin ang defending champion Thailand, 25-21, 16-25, 25-23, 25-17, sa torneo na inihahatid ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at Pamahalaang Lungsod ng Candon sa pangunguna ni Mayor Eric D. Singson.

Pinamunuan ni Arabi Boy Arnez ang Indonesia sa naitalang 12 puntos na pawang mula sa mga atake, habang nagdagdag si Halim Farhan ng 11 puntos mula sa 10 attacks at isang ace.

Maagang nakalamang ang Vietnam, 8-3, sa unang set ngunit hindi nito napanatili ang bentahe.

Walang manlalaro ng Vietnam ang umabot sa double digits, kung saan si Nguyen Ngoc Thuan ang nanguna sa kanilang koponan sa siyam na puntos.

Magtutuos naman ang Vietnam at Thailand para sa bronze medal.

Samantala, iniligtas ng Alas Pilipinas ang ikalimang puwesto matapos pataubin ang Myanmar, 25-21, 28-26, 25-22, sa naunang laro nitong Sabado. (SAVA/HNT)