Alas Pilipinas Boys AVC U18

Alas Pilipinas Boys, Nagkasya sa 10th place sa AVC U18

NABIGO ang Alas Pilipinas Boys laban sa Indonesia, 23-25, 25-18, 25-15, 25-14, nitong Sabado ng gabi ngunit nagtapos pa rin sa pinakamataas nitong ika-10 puwesto sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Boys’ U18 Volleyball Championship sa Wuyuan River Gymnasium sa Haikou, China.

Mas maganda ito kumpara sa ika-11 puwestong naitala ng bansa sa 2024 edition na ginanap sa Bahrain.

“Proud pa rin ako sa ipinakita namin ngayong gabi. Target namin ang ika-9 puwesto, pero ang ika-10 ay patunay na patuloy na umaangat ang national team,” ani team captain Howard Guerra.

Nagtala ang Alas Pilipinas ng 1-2 kartada sa Pool B matapos talunin ang Bahrain, ngunit yumuko sa India at Iran.

Muntik pang makapasok sa quarterfinals ang koponan matapos ang mahigpit na limang set na laban kontra India, 25-16, 25-20, 20-25, 23-25, 4-15.

“Isa’t kalahating buwan lang ang naging paghahanda namin kaya ipinagmamalaki ko ang ipinakita ng mga bata. Muntik na naming makuha ang laban kontra India. Bago pa lamang ang programang ito, pero naniniwala akong mas lalo pa silang lalakas,” pahayag ni head coach Oliver Balse.

Bago ang laban sa Indonesia, tinalo ng Alas Pilipinas ang Australia sa 9th-16th classification round at ang Hong Kong, China sa 9th-12th classification round.

Nanguna sa Alas Pilipinas sina Al-Raquib Dais at Terrence Marticion na kapwa umiskor ng tig-12 puntos, habang humataw si Muhamad Rizqi Maulana ng 26 puntos para sa Indonesia.

Samantala, nasungkit ng Chinese Taipei ang bronze medal matapos talunin ang China, 20-25, 25-23, 14-25, 25-21, 25-13. (AVC/HNT)