Sandro Marcos Bojie Dy Roman Romulo

Speaker Dy isinusulong digital literacy, House TWG tutok sa regulasyon ng socmed para sa mga menor de edad

ni GERRY BALDO

ISINUSULONG ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang pagsasama ng digital literacy sa batayang edukasyon, kasabay ng pagtalakay ng Technical Working Group (TWG) ng House Committee on the Welfare of Children sa mga panukalang magpapalakas sa proteksiyon ng mga bata sa online world at pagreregla sa paggamit ng social media ng mga menor de edad.

Sa pamumuno ni Pasig City Rep. Roman T. Romulo, nagpatuloy ang TWG sa pagrepaso sa iba’t ibang panukalang batas upang mapag-isa ang mga probisyon kaugnay ng online safety ng mga bata at regulasyon sa paggamit ng social media.

Restriksiyon sa kabataang edad 13-18 anyos

Iba-iba ang mga panukalang tinatalakay pagdating sa age restriction. May mga panukalang nagbabawal sa paggamit ng social media ng mga batang wala pang 13 anyos, habang ang iba naman ay nais saklawin ang lahat ng menor de edad o mga wala pang 18 anyos.

House Bill 9965 nina Dy at Marcos

Kabilang sa mga panukalang pinag-aaralan, ang House Bill 9965 na inakda nina Speaker Dy at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos. Sa ilalim nito, ipagbabawal ang pagkakaroon ng social media account ng mga batang wala pang 13 anyos, habang ang mga edad 13 hanggang wala pang 18 anyos ay papayagang gumamit ng social media kung mapapatunayan na may pahintulot at paggabay ng kanilang mga magulang.

Ayon kay Speaker Dy, hindi sapat ang pagbabawal lamang upang maprotektahan ang mga bata sa digital environment.

“Hindi po natin puwedeng iasa sa pagbabawal lamang ang kaligtasan ng ating mga anak. If we teach our children how to read and write, in the ‘Age of Social Media’, we must also equip them with the knowledge to recognize lies and misinformation on the internet,” ani Dy.

DICT, DepEd katuwang sa Digital Literacy, pagsusuri sa algorithm mahalagang salik

Sa ilalim ng HB 9965, inatasan ang Department of Information and Communications Technology (DICT), katuwang ang Department of Education (DepEd), na isama sa K to 12 curriculum ang Digital Literacy and Ethical Use of Social Media.

Layunin nitong turuan ang mga mag-aaral na suriin ang impormasyong nakikita sa internet, maunawaan ang epekto ng mga algorithm sa nilalamang lumalabas sa kanilang social media feeds, matukoy at maiulat ang cyberbullying, online exploitation at mapaminsalang content, maging responsableng digital citizen, at magkaroon ng wastong disiplina sa paggamit ng digital platforms.

Binigyang-diin ni Dy na hindi lamang ang mga nakikitang content ang panganib sa social media kundi maging ang paulit-ulit na nilalamang ipinapakita ng mga algorithm.

“Ang pinakamalaking panganib ay hindi lamang kung ano ang nakikita ng ating mga kabataan sa social media — kundi kung ano ang paulit-ulit na pinipiling ipakita sa kanila ng mga algorithm. Kaya dapat natin silang bigyan ng kaalaman at kakayahang maging mapanuri, mag-isip nang mabuti, at maunawaan kung paano naaapektohan ng bawat scroll ang kanilang pananaw sa mundo,” aniya.

DICT tututok sa pagsasanay ng mga guro at mga magulang

Nakasaad din sa panukala na magsasagawa ang DICT ng regular na pagsasanay para sa mga guro at information seminars para sa mga magulang at mga menor de edad upang mapalakas ang digital safety hindi lamang sa paaralan kundi maging sa tahanan.

“Hindi natin maaaring ipaubaya sa teknolohiya ang pagpapalaki ng ating mga anak. Kasama sa laban na ito ang mga magulang, mga guro, at ang buong pamahalaan. Kapag iisa ang mensahe sa bahay at sa paaralan, mas magiging ligtas ang ating mga kabataan sa online world,” dagdag ni Dy.

Iginiit ng Speaker na hindi layunin ng panukala na ilayo ang mga bata sa teknolohiya kundi tiyaking ligtas silang makikinabang dito.

“Ang layunin ng panukalang ito ay hindi ang ilayo ang mga bata sa teknolohiya. Ang hangarin po natin ay tiyaking hindi sila magiging biktima nito.”

Ayon sa House leadership, bahagi ang HB 9965 ang mas malawak na hakbang upang makabuo ng komprehensibong balangkas para sa kaligtasan ng mga bata sa online world sa pamamagitan ng angkop na regulasyon ayon sa edad, mas malaking pananagutan ng mga social media platform, aktibong pakikilahok ng mga magulang, at pagpapalawak ng digital education.