Shakeys Collegiate National Invitationals

Mga koponan mula Vietnam, Australia sasabak sa Shakey’s Collegiate National Invitationals

 MAKAKALABAN ng apat na pinakamahuhusay na collegiate volleyball teams sa bansa ang mga koponan mula Vietnam at Australia sa pagbubukas ng 2026 Shakey’s Collegiate National Invitationals sa Linggo Hulyo 19 sa Ninoy Aquino Stadium.

Mauunang magsagupa sa alas-1 ng hapon ang kampeon ng NCAA Season 101 na Letran College at ang Southern Storm Melbourne ng Australia. Susundan ito ng salpukan ng University of Santo Tomas (UST), bronze medalist ng UAAP Season 88, at apat na ulit na kampeon ng NAASCU na Enderun College sa alas-3 ng hapon.

Sa tampok na laro sa gabi, haharapin ng NCAA Season 101 runner-up na College of Saint Benilde ang Ho Chi Minh City Volleyball Club ng Vietnam sa linggong torneo na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R&B Milk Tea.

Pangungunahan nina Judiel Nitura, Verenicce Colendra at Joralyn Panangin ang Lady Knights ng Letran, na wala namang maaasahang serbisyo mula kina beteranang Gia Maquillang at Vanessa Sarie dahil sa mga iniindang pinsala.

Ayon kay Letran assistant coach Mayeth Carolino, pangunahing layunin nilang mas mapatatag ang koponan sa bawat laban.

“Ang pinakamahalaga sa amin ay maging mas mahusay bilang isang koponan sa bawat laro. Malaking oportunidad ito dahil makakaharap namin ang malalakas na koponan mula Australia, Vietnam at maging ang pinakamahuhusay na lokal na koponan,” ani Carolino.

Pamumunuan naman nina Kai Lleses at NCAA Season 101 Rookie of the Year Cam Bartolome ang Lady Blazers ng Benilde, na sasabak sa torneo taglay ang bagong kumbinasyon ng kanilang roster.

Inamin ni head coach Jerry Yee na marami silang nawalang beteranong manlalaro kaya magsisilbing pagkakataon ang torneo upang masubukan ang iba’t ibang kombinasyon ng koponan.

Samantala, inaasahang magiging sandigan ng UST si Kim Rubin, na naghatid kamakailan sa UST High School ng kampeonato sa 2026 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup Division 1 at itinanghal na Most Valuable Player.

Makakatulong din sa Tigresses ang mga beteranang sina Angge Poyos, Regina Jurado, Avril Bron at Marga Altea.

Para naman kay Enderun head coach Ariel Dela Cruz, malaking pagkakataon ang torneo upang maipakita ang kakayahan ng kanilang volleyball program.

Samantala, kapwa nagpahayag ng pananabik ang dalawang dayuhang koponan.

Sinabi ni Huinn Do Hong Loan, coach ng Ho Chi Minh City Volleyball Club, na target nilang maipamalas ang kanilang pinakamahusay na laro at makalayo sa torneo.

Ayon naman kay Carlo Pacioni, head coach ng Southern Storm Melbourne, nais nilang maranasan ang kakaibang istilo ng volleyball sa Pilipinas at handa silang makipagsabayan sa hamon.

Anim na koponan ang maglalaban sa single-round elimination, kung saan aangat sa knockout semifinals ang apat na mangungunang koponan. Ang dalawang matatanggal ay magsasagupa sa classification round, habang ang laban para sa kampeonato at ikatlong puwesto ay kapwa idaraos sa winner-take-all na format. (MJ/HNT)