Boracay SEA Open Water Championships

Boracay, sentro ng SEA Open Water Championships; dagsa ng swimmers at turista aasahan

INAASAHANG mas dadami ang mga kalahok at turistang dadayo sa Boracay para saksihan ang 4th Southeast Asian Open Water Championships na ihahatid ng Philippine Sports Commission (PSC) mula Agosto 21 hanggang 23 sa Boracay Newcoast sa Malay, Aklan.

Ayon kay Philippine Aquatics Inc. (PAI) Secretary General Eric Buhain, malaking bentahe ang pandaigdigang kasikatan ng Boracay upang makahikayat ng mas maraming atleta at bisita mula sa iba’t ibang bansa.

“Kung may Bali ang Indonesia at Pattaya ang Thailand, mayroon namang Boracay ang Pilipinas na maipagmamalaki. Dahil dito, inaasahan nating mas maraming manlalangoy at turista ang dadalo sa open water swimming championship,” ani Buhain sa Philippine Sportswriters Association Forum.

Sinabi naman ni PAI Executive Director Anthony Reyes na walong bansa na ang kumpirmadong sasabak sa torneo na pinangangasiwaan ng Southeast Asian Swimming Federation.

Kabilang sa mga lalahok ang Indonesia, Laos, Malaysia, Singapore, Thailand, Timor-Leste, Vietnam at ang host na Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon na magho-host ng naturang kampeonato.

Ayon kay PAI President Michael Vargas, hindi lamang makatutulong ang torneo sa pag-unlad ng open water swimming sa Timog-Silangang Asya kundi magsisilbi rin itong pagkakataon upang higit pang maipakilala ang Boracay bilang isa sa pinakamagagandang destinasyon sa rehiyon.

Target ng mga organizer ang humigit-kumulang 200 swimmers para sa opisyal na 5-kilometer at 10-kilometer men’s at women’s events na gaganapin sa 1.66-kilometrong race course sa loob ng cove ng isla tuwing madaling-araw.

Dagdag pa ni Buhain, mas inaasahang lalaki pa ang bilang ng mga kalahok dahil isasabay rin ang Open Water Festival na tampok ang 3-kilometer at 5-kilometer fun events, alinsunod sa adbokasiya ni PSC Chairman Patrick “Pato” Gregorio na isulong ang sports tourism.

Nagpasalamat din si Buhain sa buong suporta ng pamahalaang bayan ng Malay sa pamumuno ni Mayor Frolibar Bautista, ng lalawigan ng Aklan sa pangunguna ni Gov. Jose Miraflores, at ng National Sports Tourism Interagency Committee na pinamumunuan ni Gregorio.

Ayon kay Gregorio, magandang halimbawa ang torneo kung paano nagkakaisa ang pamahalaan, pribadong sektor at mga national sports association upang matagumpay na makapagdaos ng isang pandaigdigang kompetisyon.

“Malaking tulong ito hindi lamang sa pag-unlad ng open water swimming kundi maging sa pagpapalakas ng lokal na turismo. Panalo rito ang sports at turismo kaya binabati namin ang PAI sa pamumuno ni President Mico Vargas,” ani Gregorio.

Binigyang-diin naman nina Buhain at Reyes na prayoridad ang kaligtasan ng lahat ng kalahok. Nakahanda ang mga lifeguard, life raft, medical teams at iba pang emergency personnel sa iba’t ibang bahagi ng race course upang matiyak ang maayos at ligtas na takbo ng tatlong araw na kompetisyon.

Ani nila, maging sa mga ensayo pa lamang ng mga atleta ay mahigpit nang ipinatutupad ang lahat ng kinakailangang safety measures bago sila payagang lumangoy sa open water. (PSC/HNT)