Cambodia Sea V Cup Week One

Cambodia, ginulat ang Indonesia para maghari sa Sea V Cup Week One

CANDON CITY — Nagpamalas ng malaking sorpresa ang Cambodia matapos pabagsakin ang paboritong Indonesia, 25-23, 28-26, 23-25, 22-25, 15-11, upang maiuwi ang kampeonato sa Week One ng SEA V Cup nitong Linggo sa Candon City Arena.

Pinangunahan ni Voeurn Veasna ang Cambodia sa naitalang 29 puntos mula sa 26 attacks, dalawang service aces at isang block. Ang Cambodia, na pumasok sa torneo bilang ika-117 sa world rankings, ay nagawang pabagsakin ang Indonesia na kamakailan lamang ay nagkampeon sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Men’s Cup sa India.

Nag-ambag naman si Kuon Mom ng 27 puntos mula sa 22 attacks at apat na blocks para sa Cambodia, na nabigong manalo sa walong laro nito sa Sea V. League noong nakaraang taon, ngunit ngayon ay napatunayang kabilang na sa mga elite team ng rehiyon.

Sa panig ng Indonesia, nagtala si Halim Farhan ng 23 puntos mula sa 21 attacks at dalawang aces, habang umiskor si Boy Arnez Arabi ng 22 puntos na pawang mula sa attacks.

Nasungkit naman ng Thailand ang tansong medalya matapos talunin ang Vietnam, 23-25, 30-28, 25-20, 28-26, sa torneo na inihandog ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at ng Lungsod ng Candon sa pangunguna ni Mayor Eric D. Singson.

Nakabawi ang Thailand matapos ang mahinang unang set at napigilan ang matinding hamon ng Vietnam.

Nagliyab si Bhinijdee Nadapet sa naiskor na 30 puntos mula sa 28 attacks at dalawang blocks, na ikinatuwa ng malaking bilang ng mga manonood sa huling araw ng kompetisyon.

Nag-ambag naman si Thungkham Chaiwat ng anim sa kabuuang 15 blocks ng Thailand at nagtapos na may 21 puntos.

“Masaya kami sa naging resulta ngayon. Inaasahan namin ang susunod na linggo at ibibigay namin ang aming buong makakaya,” ani Thaweerat Thanathat.

“Nagtutulungan kami at patuloy na nagsusuportahan sa isa’t isa.”

Pinangunahan ni Nguyen Ngoc Thuan ang Vietnam sa naitalang 32 puntos mula sa 28 attacks at apat na blocks, habang umiskor sina Tang Ngoc Hieu ng 11 puntos at Tran Duy Tuyen ng 10.

Samantala, nailigtas ng Alas Pilipinas ang ikalimang puwesto noong Sabado matapos walisin ang Myanmar sa straight sets.

Magbabalik sa aksyon ang lahat ng anim na kalahok sa ikalawang yugto ng SEA V Cup na gaganapin sa Indonesia sa susunod na linggo. (AVC/HNT)