79 OFWs mula Kuwait, Russia nakauwi na – OWWA

ni NIÑO ACLAN
DUMATING sa bansa ang 79 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Kuwait at Russia nitong Sabado, 18 Hulyo 2026.
Inihayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang mga naturang OFWs ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Sabado ng umaga.
Mula sa Kuwait ang 61 OFWs na lumapag sa NAIA Terminal 1 lulan ng Kuwait Airways flight. Ang 60 sa kanila ay galing sa Sulaibiya Deportation Center habang ang isa ay boluntaryong pinili na umuwi ng Filipinas.
Samantala, ang 18 OFWs mula sa Russia ay dumating sa NAIA Terminal 3 lulan ng Air China flight.
Mainit na sinalubong sila at inalalayan ng mga tauhan ng OWWA at Department of Migrants Workers (DMW).
Pinagkalooban sila ng pagkain, tulong pinansiyal, transportation assistance, at temporary accommodations mula sa pamahalaan.
Nitong Sabado, nag-isyu ang Philippine Embassy sa Kuwait ng safety advisory na humihikayat sa mga Pinoy sa bansa na mag-ingat at manatiling alerto, sa gitna nang panibagong kaguluhan sa Gulf region.
