Runbike Kick2Pedal K2P

Runbike, unang hakbang ng kabataang siklista tungo sa Olympic dream

ITINUTULAK ng Kick2Pedal (K2P) Runbike Racing Philippines ang runbike bilang unang hakbang ng mga batang atleta sa pagtahak sa landas tungo sa mas mataas na antas ng kompetisyon, kabilang ang SEA Games, Asian Games at maging ang Olympic Games.

Ito ang ipinahayag ni K2P Runbike Racing Philippines director at pioneer na si Sofia Genato sa lingguhang Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports Forum, kasunod ng matagumpay na pagdaraos ng Karera ng Pilipinas International Race nitong nakaraang weekend sa TLC Park sa Taguig City.

Ayon kay Genato, mabilis ang paglago ng runbike racing sa bansa at layunin nilang makapagdaos ng mas malalaki at dekalidad na torneo upang mabigyan ng pagkakataon ang mga batang Pilipino na makipagsabayan sa mga internasyonal na karera.

“Runbike racing or pushbike racing started two years ago. Ang objective namin ay maihanda ang mga bata para sa mas malalaking kompetisyon. Sa Asia ay marami nang malalaking karera para sa mga bata at gusto naming marating din iyon dito sa Pilipinas,” ani Genato.

Binigyang-diin din niya na malaking tulong ang runbike sa pisikal na pag-unlad ng mga bata habang nababawasan ang kanilang oras sa paggamit ng gadgets.

“Gusto naming lumawak pa ang sport dahil naghahanap ang mga magulang ng ibang aktibidad para sa kanilang mga anak. Ito ay nakatutulong upang maging aktibo at magkaroon ng healthy lifestyle ang mga bata. Isa rin ito sa iilang sports na maaaring simulan ng mga batang edad dalawa hanggang 12 taon,” dagdag niya.

Ibinahagi rin ni Genato na nagsimulang maglaro ng runbike ang kanyang anak na si Little Hudson Hornet sa edad na 19 na buwan lamang, bilang patunay na maaaring maagang maipakilala ang sport sa mga kabataan.

Dumalo rin sa forum sina Jeff Cruz, Irvin Tan at Renee Principe, kasama ang mga kampeong runbike racers na sina Noah Tan, Hudson Schoonmaker, Juan Dominique Uno Principe at Zoe Cruz.

Para naman kay Renee Principe, nagsisilbing magandang pundasyon ang runbike sa paglinang ng kakayahan ng mga batang nais ding sumabak sa triathlon at iba pang cycling events.

“Nagbibigay ito ng magandang transition para sa triathlon. Mahalaga ring ma-expose ang mga bata sa mas mataas na antas ng kompetisyon habang bata pa upang lalo silang mahubog,” ani Principe.

Target din ng K2P na magdala ng mas maraming world-class runbike races sa Pilipinas upang mas mapalawak ang interes ng publiko sa sport at makahikayat ng mas maraming kabataang atleta.

“Ang ultimate goal namin ay maihatid dito ang world-class racing experience. Ang pathway ng mga batang ito ay makalaban sa World Championships at balang araw ay maging Olympians. Maaari rin silang mag-transition sa BMX racing sa tamang panahon,” sabi pa ni Genato.

Sa susunod na mga buwan ay paghahandaan ng K2P ang international race sa Thailand sa Agosto 8 at 9, gayundin ang mga torneo sa Setyembre at Nobyembre, kabilang ang serye ng runbike races sa Mindanao.

Nanawagan din ang organisasyon sa mga pribadong kumpanya at sponsor na suportahan ang patuloy na paglago ng runbike community, lalo na sa grassroots development ng mga kabataang atleta. (HNT)