Padel Pilipinas muling naghari sa APPC, back-to-back kampeon sa Professional Division
MANILA – Muling pinatunayan ng Padel Pilipinas ang pagiging isa sa pinakamalalakas na koponan sa rehiyon matapos ipagtanggol ang korona at masungkit ang ikalawang sunod na kampeonato sa Professional Division ng Asia Pacific Padel Cup (APPC) 2026 na nagtapos sa Maynila.
Sa loob ng apat na araw na torneo, nagtagisan ang 10 koponan mula sa pitong bansa—Pilipinas, India, Brunei, South Korea, Thailand, Taiwan, at Pakistan.
Ang torneo ay inorganisa ng Padel Pilipinas, ang kinikilalang National Sports Association (NSA) ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC), bilang patunay sa patuloy na paglago ng padel sa rehiyon ng Asia-Pacific. Naglaban ang mga koponan sa Professional at Amateur Divisions sa men’s, women’s at mixed categories.
Back-to-back kampeon
Matikas na ipinagtanggol ng Padel Pilipinas ang titulo matapos walisin, 3-0, ang kanilang kalaban sa finals upang muling tanghaling kampeon sa Professional Division at pagtibayin ang katayuan bilang isa sa pinakamahuhusay na padel teams sa Asya-Pacific.
Pumangalawa ang Prescott Development Team ng Pakistan, habang pumangatlo ang Ace Padel India Team.
Mas lalo pang ningning ang kampanya ng Pilipinas matapos tanghaling Most Valuable Players (MVPs) sa Professional Division sina Jason Tamayo at Tao Yee Tan bilang Male at Female MVPs, ayon sa pagkakasunod. Dahil sa kanilang matatag na laro at mahahalagang panalo sa buong torneo, itinakda nila ang mataas na pamantayan ng husay sa kompetisyon.
Taiwan namayagpag sa Amateur Division
Sa Amateur Division, agad gumawa ng ingay ang Taiwan gopadel matapos masungkit ang kampeonato sa kanilang unang pagsabak sa torneo.
Nakuha ng Prescott Development Team ng Pakistan ang pagiging first runner-up, habang pumangatlo ang Team Philippines.
Tinanghal namang Male at Female MVPs ng Amateur Division sina Chiu Chuan-Yu at Kao Pei-Chuan ng Taiwan matapos magpakitang-gilas at mangibabaw sa matinding kompetisyon.
Ipinakita rin ng kabuuang resulta ng torneo ang lalim ng talento ng lahat ng kalahok, kung saan bawat koponan ay nagpakita ng malaking pag-unlad at mataas na antas ng paglalaro.
Sa pagtatapos ng APPC 2026, nagsama-sama ang mga atleta, opisyal, partners at mga tagasuporta ng padel sa awarding ceremony upang ipagdiwang ang matagumpay na pagdaraos ng torneo at parangalan ang lahat ng bansang lumahok.
Nag-iwan ang APPC 2026 ng pamana ng mga hindi malilimutang laban, mahahalagang tagumpay at mas matinding sigla para sa patuloy na paglago ng padel sa rehiyon. Tampok dito ang matagumpay na title defense ng Padel Pilipinas sa Professional Division at ang kampeon na debut ng Taiwan gopadel sa Amateur Division, na kapwa nagbigay-liwanag sa husay ng mga beterano at mga bagong sumisikat na bituin ng isport. (Padel Pilipinas/HNT)
