NAARESTO ng mga awtoridad ang isang most wanted person sa Porac, Pampanga na nakumpiskahan ng mga malalakas na klase ng baril at bala kamakalawa.
Sa ulat mula kay PColonel Eugene M. Marcelo, provincial director ng Pampanga PPO, sa pamamagitan ng Pampanga Police Intelligence Unit (PIU) ay inaresto ang isang Most Wanted Person (MWP) sa bisa ng warrant of arrest na isinagawa sa Brgy. Pias, Porac, Pampanga.
Napag-alaman sa ulat na ang naaresto ay isang 37 taong gulang na residente ng Brgy. Pias, Porac, Pampanga.
Ang akusado ay inaresto sa kasong murder na ang warrant of arrest ay inilabas ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Guagua, Pampanga, at nilagdaan ni Presiding Judge Maria Concepcion Araniego-Yumang.
Ang magkasanib na operasyon ay pinangunahan ng Pampanga PIU sa pakikipagtulungan ng Porac Municipal Police Station, Guagua Municipal Police Station, Pampanga 1st Provincial Mobile Force Company, at Pampanga Provincial Drug Enforcement Unit.
Sa paghahain ng warrant, ang suspek ay nahuli rin sa kasong flagrante delicto kaugnay sa pagmamay-ari ng mga baril at bala, na nagresulta sa karagdagang mga kaso para sa Paglabag sa Republic Act 10591 at Presidential Decree 1829.
Narekober mula sa suspek ang isang yunit ng Llama Max-I caliber .45 pistol na may magazine at anim na bala; isang yunit ng Elisco caliber 5.56 M16 rifle na may apat na magazine at tatlumpu’t limang bala; isang yunit ng shotgun na may walong bala; at apatnapu’t pitong na piraso ng M14 live ammunition
Dinala sa kustodiya ng Porac Municipal Police Station ang suspek para sa wastong disposisyon habang ang lahat ng narekober na ebidensya ay ibinigay sa Pampanga PIU para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.
Isinangkot din ng mga awtoridad ang isang 70 taong gulang na indibidwal na residente ng Pulong Masle, Guagua, Pampanga dahil sa paglabag sa P.D. 1829. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com