DALAWANG piloto ng Philippine Air Force (PAF) na kinabibilangan ng isang babae ang namatay nang bumagsak ang kanilang sinasakyang trainer plane sa Mt. Sto. Tomas sa Sitio Cabuyao, Barangay Poblacion, Tuba, Benguet, kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Benguet Police, isa sa mga biktima ay kinilalang si First Lieutenant Ruth Angelique R. Pasos, habang ipinoproseso pa ang pagkakakilanlan ng isa pa.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong 10:20 ng umaga ngunit nakapagresponde ang mga awtoridad sa lugar bandang 11:40 ng umaga.
Nakatanggap sila ng report mula sa barangay chairman ng Poblacion kaugnay ng pagbagsak ng PAF aircraft sa kakahuyang bahagi ng Mount Cabuyao, Poblacion sa bayan ng Tuba.
Natukoy ng mga nagrespondeng yunit ng pulisya, mga tauhan mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ang pinangyarihan ng pagbagsak sa tulong ng mga residente.
Natagpuang walang malay ang dalawang sakay ng trainer plane at agad na dinala sa ospital pero kapwa idineklarang patay.
Ayon kay Lt. Col. Roy Calulot, tagapagsalita ng Benguet Police, ang eroplano ay isang kulay abo, puti, at kahel na may logo ng PAF, may tail number na 10-39.
Sa pahayag ni PAF Spokesperson Col. Ma. Christina Basco, kinompirma nito ang pagbagsak ng SF-260 trainer aircraft dakong 10:30 ng umaga habang nagsasagawa ng navigation training na ikinamatay ng dalawang pilotong sakay nito.
Ang nasabing aircraft ay kabilang sa 10 eroplano na lumipad mula Fernando Air Base sa Lipa City patungong Baguio City.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon sa sanhi ng pagbagsak ng PAF plane.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com