ARESTADO ang isang 28-anyos lalaki nang mahuli sa aktong pagnanakaw ng diesel sa tangke ng isang kompanya sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.
Sa ulat ni Quezon City Police District – Payatas Bagong Silangan Police Station 13 chief, PLtCol. Rowena Amata kay QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, kinilala ang suspek sa alyas Bernard, residente sa Brgy. Payatas, ng nabanggit na lungsod.
Sa imbestigasyon nabatid na nadakip ang suspek dakong 7:20 ng gabi nitong Linggo, 17 Mayo, nang napansin ng mga pulis na nagpapatrolya sa Payatas Road, ang suspek na kahina-hinalang umaakyat sa garahe sa Villa Gracia Compound, sa Payatas Road, Brgy. Payatas, bitbit ang isang galon ng container.
Agad nilapitan ng mga pulis ang suspek na nagdahilang inutusan umano siya ng pamangkin ng may-ari na kumuha ng diesel fuel mula sa tangke ng sasakyan para magamit sa mga operasyon ng backhoe.
Ngunit nang beripikahin sa may-ari at sa kanyang pamangkin, itinanggi ang sinabi ng suspek at iginiit na hindi na konektado sa kompanya ang lalaki kaya nagpasya ang mga pulis na hulihin siya.
Narekober sa suspek ang isang gallon container na may 20 litrong diesel, nagkakahalaga ng P2,000. Sasampahan ang suspek ng kasong pagnanakaw sa Quezon City Prosecutor’s Office.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com