MULING magtataas ang presyo ng diesel at gasolina sa bansa ngayong Martes, 5 Mayo, habang bababa ang presyo ng kerosene.
Batay sa Notified Adjustments and Estimate of Pump Price Range na inilabas ng Oil Industry Management – Bureau ng Department of Energy (DOE), may P2.66 kada litro dagdag sa diesel at diesel plus sa 5-11 Mayo 2026.
Ang tinatayang resulta ng presyo para sa diesel ay aabot sa P79.62 hanggang P102.16; habang P84.76 hanggang P107.48 sa diesel plus.
Nasa P2.21 ang itataas ng presyo kada litro ng gasolina, kabilang na ang RON 97 na ang tinatayang resulta ng presyo ay aabot sa P82 hanggang P107.11; P74.11 hanggang P102.20 a RON 95; at P73.21 hanggang P96.53 sa RON 91.
Samantala, magkakaroon ng tapyas na P3.53 kada litro ang presyo ng kerosene, kaya ang estimated resulting pump price range nito ay puwedeng umabot sa P124.97 hanggang P146.47.
Ang liquefied petroleum gas (LPG) ay tataas ng P1.22 kada kilo simula kahapon, 4 Mayo hanggang 31 Mayo 2026, kaya’t ang price adjustment para sa 11- kilogram na cylinder ay nasa P13.42 o may estimated resulting dealer’s pick-up price na aabot mula sa P1,070.42 hanggang P1,701.77.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com