ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ANG The Entertainment Arts & Media (TEAM), isang organisasyon ng mga showbiz editors, kolumnista, photographer, publicist, at talent manager, ay naghalal ng bagong set ng mga opisyal para sa taong 2026-2028.
Ang mga bagong opisyal ay sina: Noel Orsal (Pangulo), Edilberto “Obette” Serrano (Pangalawang Pangulo), Audie “See” Ochagabia (Kalihim), Sany Chua (Ingat-yaman), Nimfa Chua (Katulong na Ingat-yaman), Nonie Nicasio (Auditor), Danny Vibas, at Adjes Carreon (PRO).
Nanumpa sa tungkulin ang mga bagong halal na opisyal noong Lunes, Abril 13, sa harapan nina Hon. Gov. Daniel Fernando at Hon. Vice-Gov. Alex Castro sa kanilang opisina sa Bulacan Provincial Hall sa Malolos upang opisyal na masimulan ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin.
Si Orsal ay dating katulong na ingat-yaman ng organisasyon bago siya nahalal bilang pangulo. Nagtapos siya ng Medical Technology, ngunit ang tunay niyang hangarin noon ay makapasok sa showbiz. Dahil dito, kumuha siya ng mga kurso sa photography, pagkanta, at Nihongo (wikang Hapon), umaasang ang alinman sa mga kasanayang ito ay magbubukas ng oportunidad sa industriya. Makalipas ang ilang taon, nakapasok siya sa entertainment media bilang photographer. Sa paghikayat ng mga editor, nadiskubre niyang kaya rin niyang magsulat, at kalaunan ay nagpapadala na siya ng mga article sa diyaryo. Nagbukas pa ng iba’t ibang oportunidad ang showbiz para sa kanya tulad ng PR at production management, pag-arte sa local at international film.
Ang new Vice President na si Direk Obette ay inilaan ang apat na dekada sa tri-media (print, television, radio) sa information dissemination. Kilala rin siya sa tawag na “Oohlala Obette,” an accountant by academic training who got into showbiz journalism and eventually into public service information. Nagsimula siya sa writing profession sa showbiz via Kislap fan magazine at eventually, bilang columnist-contributor sa ibang tabloids gaya ng People’s Journal at People’s Tonight. Sa kanyang tenth year sa showbiz, siya ay naging radio-TV reporter sa ABS-CBN’s TV Patrol at Radyo Patrol sa DZMM. Nagpatuloy siya sa pagiging writer sa print kahit mas naging visible sa TV as a writer, at on-camera showbiz reporter at segment host ng iba’t ibang shows kabilang ang newscast na Bandila, news magazine na Balitang K (now Rated Korina), at ang morning show na Alas Singko Y Media (now Umagang Kay Ganda). Naging direktor din siya ng live concert, awards night, at iba pang entertainment events sa Filipinas at maging sa ibang bansa. Sa kanyang extensive background bilang showbiz personality, hindi nakapagtataka na may bago na namang show si Direk Obette bilang host, ito ang digital show na ‘Oohlala’s Touch’ – isang platform na dedicated to faith, compassion, at entertainment.
Si Ochagabia ay unang pagkakataon na nahalal bilang opisyal (Kalihim), bagamat isa na siyang beteranong practitioner sa entertainment media. Kabilang sa kanyang karanasan ang pagdidirek ng mga concert ng teen idol na si Sheryl Cruz sa ibang bansa at pagiging talent caster/coordinator sa mga top-rating na programa sa telebisyon. Isa rin siyang maaasahang manunulat sa mga magasin at tabloid sa bansa sa loob ng maraming taon, tulad ng iba pang miyembro ng TEAM. Nag-aral siya sa Novaliches Novitiate sa Quezon City sa loob ng dalawang taon bago lumipat sa University of Santo Tomas na kumuha siya ng kursong AB Economics. Dahil sa kanyang malawak na koneksyon sa mga artista at kanilang managers, pinasok din niya ang talent casting at talent management na kasalukuyan niyang trabaho.
Ang bagong ingat-yaman na si Sany ay nagtapos ng Mechanical Engineering. Siya’y isang photojournalist sa entertainment beat na matagal nang kinikilala sa ABS-CBN sa loob ng ilang dekada. Sumali siya sa TEAM ilang taon na ang nakalipas.
Tulad nina Ochagabia at Sany, ito rin ang unang pagkakataon ni Nimfa na mahalal bilang opisyal ng TEAM. Katulad nila, ang kanyang kursong tinapos sa kolehiyo ay hindi rin nakatuon sa showbiz kundi Banking & Finance. Dahil sa kanyang network ng mga kaibigan, napunta siya sa photography at naging aktibong bahagi ng ABS-CBN bilang isang professional photographer.
Si Nicasio, na nahalal bilang Auditor ay naging pangulo ng TEAM sa loob ng ilang taon at siya rin ang nagtatag ng organisasyon. Kumuha ng kursong BS Marine Transportation, ngunit kalaunan ay nahilig sa journalism, partikular sa sports reporting, public service, at pagsusulat ng palaisipan sa iba’t ibang tabloids. Nang madiskubre niya ang entertainment writing, nakita rin niya itong kasing fulfilling.
Tanging sina Carreon at Vibas, na parehong nahalal bilang PRO, ang nagtapos ng kursong may kinalaman sa media—Mass Communication (Carreon) at Journalism (Vibas). Pareho silang batikang entertainment journalists.
Muli, ang pamunuan at mga kasapi po ng TEAM ay lubos na nagpapasalamat kina Gov. Fernando at Vice-Gov. Castro sa mainit na pagtanggap sa amin sa lalawigan ng Bulacan. Maraming salamat din kina katotong Fernan de Guzman, na kasalukuyang presidente ng PMPC at kay Joey Sarmiento, sa suporta at sa pag-alalay dito sa TEAM.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com