
HATAW News Team
BUHAY ng isang 10-anyos batang lalaki ang naging kapalit nang magpatuli sa isang lying-in clinic sa Tondo, lungsod ng Maynila.
Ayon sa ina ng bata, kinilalang si Marjorie San Agustin, nag-umpisang makaranas ng mga komplikasyon ang kaniyang anak matapos isagawa ang pagtuli sa kaniya noong Sabado, 17 Mayo.
Dahil dito, agad nilang dinala ang bata sa malapit na pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Nanawagan ang pamilya ng hustisya at gustong panagutin ang ‘doktor’ na nagsagawa ng pagtuli sa kanilang anak.
Ayon sa ulat, isang ‘babaeng manggagamot’ na hindi pa pinangangalanan ng mga awtoridad ang nagtuli sa bata.
Kaugnay nito, nabatid na ang ‘babaeng doktor’ na tumuli sa bata ay hindi rehistradong doktor, ayon sa isang barangay official.
Base sa ulat, ang suspek ay dati nang naaresto noong 2023 ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nang gamitin ang pangalan at lisensiya ng isang lehitimong doktor na kanyang nakasama sa trabaho 20 taon na ang nakararaan. Gayonman nakalaya sa bisa ng piyansa ang suspek.
Pinasinungalingan din ng opisyal ng barangay na may permit to operate ang nasabing lying-in.
“Walang request, so, ang alam namin hindi siya nag-o-operate. Ang alam namin licensed midwife siya pero doctor hindi,” pahayag ng kagawad.
Humingi na ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pamilya ng biktima upang matukoy ang mga iregularidad na hinihinalang naging sanhi ng kamatayan ng biktima.
Ayon sa ina ng biktima, isinailalim sa awtopsiya ang katawan ng kaniyang anak upang matukoy ang totoong dahilan ng kaniyang kamatayan. Ang resulta ng awtopsiya ay lalabas pagkatapos ng pitong araw.
Bilang bahagi ng pagsisiyasat, inihahanda na ng NBI ang pagpapadala ng subpoena sa ‘manggagamot’ na tumuli sa bata.