ni TEDDY BRUL
PASIG CITY — Sa pagitan ng kasaysayan ng lungsod at malikhaing panulat ng kabataan, ipinagdiwang ng Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) ang Buwan ng Wika ngayong kahapon, 16 Agosto, sa pamamagitan ng isang panayam at lektura hinggil sa pagsulat ng katutubong tula.
Tampok sa programa ang mga mag-aaral at student staff ng Courier, opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng Pateros Catholic School, na dumalo kasama ang kanilang teacher-adviser na si Ms. Charl Genir at katuwang na guro na si Mr. Geremie T. Rosalejos.
Pinangunahan ang talakayan ng batikang manunulat at makatang Pasigueño na si Rene Roy Cagalingan, mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at kasapi ng LIRA, UMPIL at SPP.
Hindi lamang tungkol sa pagsusulat ang naging sentro ng talakayan. Binigyang-diin din ni Cagalingan ang kahalagahan ng paglinang ng kaisipan, paggamit ng sariling wika at paglikha ng mga tulang nagmumula sa karanasan, kultura, at identidad ng pamayanan.
Mula sa bantayog patungo sa bagong henerasyon
Bago ang lektura, nagsimula ang paggunita sa pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Lope K. Santos, dakilang manunulat na Pasigueño at kinikilalang Ama ng Balarilang Filipino.
Matatagpuan ang bantayog at panandang pang-alaala kay Santos sa hardin ng Pasig Knowledge Center, dating Pasig City Public Library.
Mahalaga ang bahaging ito ng programa sapagkat nagsilbing simbolikong tulay ang bantayog ni Santos mula sa mga naunang henerasyon ng mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino patungo sa kabataang kasalukuyang humuhubog sa panitikan at pamamahayag.
Mula roon ay nagtungo ang mga mag-aaral at patnugot sa makasaysayang Bahay na Tisa sa Barangay San Jose, kung saan sila ay sinalubong ni Ginang Net Mendoza, kasalukuyang tagapamahala ng nasabing heritage house.
Sa Bahay na Tisa, isang mahalagang bahagi ng makulay na kasaysayan ng Pasig, isinagawa ang panayam at lektura sa pagsulat ng katutubong tula.
Sa pamamagitan ng programa, muling ipinakita ng SPP na ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay hindi lamang tungkol sa paggunita sa isang pambansang okasyon. Maaari rin itong maging daan upang pag-ugnayin ang kasaysayan, wika, panitikan at kabataan—at hikayatin ang bagong henerasyon na maging bahagi ng patuloy na pagsusulat at pagsasalaysay ng kasaysayan ng kanilang sariling pamayanan.
Sa panahon ng mabilis na pagbabago ng midya at teknolohiya, nananatiling mahalaga ang ganitong mga gawain upang maipamana sa kabataan ang pagpapahalaga sa sariling wika, kultura, at kasaysayan.
At sa Pasig, ang pamana ay hindi lamang nakaukit sa mga bantayog at lumang bahay. Patuloy itong nabubuhay kapag may bagong henerasyong handang magsulat, magtanong at magsalaysay.
