ARESTADO ang isang lalaking 15 taon nang nagtatrabaho sa isang construction company matapos makipagsabwatan sa pagnanakaw ng isang generator-type welding machine sa Barangay Tandang Sora, sa lungsod Quezon, nitong Sabado, 8 Agosto.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Kulas, 54 anyos, at alyas Boyet, 35 anyos, kapwa residente sa nabanggit na barangay.
Iniulat ang insidente dakong 12:45 ng tanghali noong Sabado matapos makarinig ang liaison officer ng kompanya ng kahinahinalang ingay na tila nagpupukpok sa loob ng kanilang pasilidad habang siya ay patungo sa palikuran matapos mananghalian.
Nang tingnan ng empleyado ang lugar nakita niya si alyas Kulas na umamin sa kaniyang ginawa.
Itinuro ni alyas Kulas si alyas Boyet na kaniyang kasabwat na umamin din sa kaniyang partisipasyon sa insidente.
Inaresto ng mga nagrespondeng tauhan ng barangay ang dalawang suspek at ipinasa sa Talipapa Police Station (PS 3) para sa kaukulang disposisyon.
Narekober ng pulisya ang kinalas na generator-type welding machine na tinatayang nagkakahalaga ng P120,000.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na si alyas Kulas ay nagtatrabaho bilang dump truck driver sa kompanya sa loob ng halos 15 taon, habang si alyas Boyet ay nagtatrabahong utility driver sa ibang construction company.
Naberipika ng pulisya na mayroon nang naunang tala ng mga paglabag sa Philippine Mining Act of 1995 at Resistance and Disobedience to a Person in Authority ang suspek na si alyas Kulas, habang may naunang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide na isinampa laban kay alyas Boyet.
Kasalukuyan nang inihahanda ang mga kasong Qualified Theft na isasampa laban sa dalawang suspek.
