NAWASAK ang 81 bahay na gawa sa mahihinang uri ng materyales, nabuwal ang mga punong-kahoy, at poste ng koryente sa pananalasa ng isang malakas na buhawi sa lungsod ng Iloilo nitong Sabado ng gabi, ayon sa ulat kahapon.
Sinabi ng Iloilo City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) kabilang sa naapektohan ng pagtama ng buhawi ang Mandurrio, Jaro, at La Paz Districts pawang matatagpuan sa siyudad.
Sa pahayag ng mga residente bigla na lamang silang nakarinig ng malakas na ugong at kasunod nito ay nanalasa ang buhawi sa mga kabahayan sa nasabing lugar.
Bukod sa mga nawasak na kabahayan, nagtumbahan din ang mga poste ng koryente, nabuwal ang mga puno at nagliparan ang mga yero gayundin nagkalat ang mga paninda ng mga vendor.
Umabot sa 81 pamilya ang naapektohan sa insidente na nawasak at napinsala ang mga bahay.
Pinayohan ni Iloilo City Mayor Raisa Treñas ang mga residente sa lungsod na maging alerto sa lahat ng oras.
Nagsasagawa ng clearing operations ang pinagsanib na elemento ng pamahalaang lungsod ng Iloilo, Bureu of Fire Protection (BFP), Police Regional Office (PRO) 6, at ang MORE Power para maibalik ang supply ng koryente.
