AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
MAAYOS ang naging takbo ng impeachment trial nitong mga nakaraang linggo sa ilalim ng pamumuno ng Presiding Officer na si Senator Francis “Chiz” Escudero. Nakita ang kaniyang balanseng paghawak sa proceedings at maayos na pagresolba sa mga usaping lumilitaw sa impeachment court.
Kaya naman nakapagtataka na habang nagpapatuloy nang maayos ang paglilitis, may mga bagong alegasyon namang lumulutang tungkol sa umano’y pangangalap ng boto para sa magiging hatol.
May isang ulat na nagsasabing kinakausap umano ni Escudero sina Jinggoy Estrada, Loren Legarda, at ang mga Villar upang makuha ang 16 boto na kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte.
Mabigat ang ganitong paratang at hindi dapat basta-basta pinaniniwalaan. Kung may ganitong alegasyon, kailangan itong samahan ng malinaw at matibay na ebidensiya. Hindi sapat ang isang ‘reportedly’ para maging katotohanan ang isang seryosong political claim.
Kung walang konkretong patotoo, mas makabubuting manatiling maingat at huwag ituring na katotohanan ang isang political rumor.
Delikado ang ganitong mga haka-haka dahil maaari nitong ilihis ang atensiyon mula sa mismong impeachment proceedings. Sa halip na pag-usapan ang testimonya, ebidensiya, at legal na argumento, nauuwi ang diskusyon sa mga umano’y lihim na usapan at pangangalap ng boto.
Mahalagang tandaan na malinaw ang papel ng Presiding Officer. Siya ang nangangasiwa sa proceedings, tinitiyak na naririnig ang panig ng prosecution at defense, at ipinapatupad ang mga patakaran ng impeachment court.
Sa mga nakalipas na linggo, ito naman ang tungkuling maayos na ginagampanan ni Escudero.
Hindi rin dapat maging kahina-hinala agad ang bawat pag-uusap ng mga senador. Bahagi ng kanilang tungkulin ang makipagpalitan ng pananaw, magtanong, makinig, at magsagawa ng deliberasyon bago dumating sa isang desisyon.
Kung bawat pag-uusap ay agad bibigyan ng kulay bilang vote-buying o horse-trading, mawawala ang normal na proseso ng deliberasyon sa Senado.
Mas seryoso pa, maaaring maapektohan nito ang kredibilidad ng magiging desisyon ng impeachment court.
Kung acquittal ang resulta, maaaring sabihin ng isang panig na may nagmaniobra sa boto. Kung conviction naman, maaaring igiit ng kabilang kampo na matagal nang inayos ang resulta.
Sa parehong sitwasyon, hindi lamang ang mga panig sa kaso ang maaapektohan. Mismong impeachment court ang maaaring mawalan ng kredebilidad sa mata ng publiko.
Kaya habang nagpapatuloy ang paglilitis, dapat maging responsable ang lahat sa pagsusuri sa mga lumalabas na alegasyon. Dapat lalo itong pairalin ng media, lalo na kung walang malinaw na pinagmulan o sapat na ebidensiya ang isang ulat.
Sapat na ang ingay na nakapaligid sa impeachment trial. Hindi na kailangan ang karagdagang intriga na maaaring magpalabo sa tunay na usapin.
Ang dapat manaig ay ang proseso, hindi ang haka-haka.
Hayaan nating gawin ng impeachment court ang trabaho nito.
At sa huli, ang magiging hatol ay dapat nakabatay sa ebidensiya at mga argumentong iniharap sa paglilitis, hindi sa mga intriga at political rumor.
