MA at PA
ni Rommel Placente
AYON kay Direk Brillante Mendoza, si Aljur Abrenica dapat ang lead actor niya sa Apag pero last minute ay nag-back out ito.
Nabanggit daw niya sa dating alaga na si Coco Martin ang problema niya at nagsabi naman ang aktor na kung wala siyang taping ay siya na ang gagawa ng movie.
Siyempre pa, natuwa si Direk Brillante sa sinabi ni Coco kaya inayos niya agad ang schedule ng shooting para hindi matamaan ang taping days ng aktor. Kasagsagan pa ‘yun ng pandemic at hindi pa tapos that time ang FPJ’s Ang Probinsyano.
Kahit second choice, hindi ikinahihiya ni Coco na pinalitan niya si Aljur. Sobrang proud at masaya pa siya na napunta sa kanya ang nasabing pelikula.
Sabi ni Coco sa madiacon ng Apag, “Kasi sabi ko nga, ako, kung pupwede lang akong magprisinta ‘pag may mga pelikula si direk Dante (Brillante), talagang naiinggit ako.
“Everytime na may ginagawa siyang pelikula na hindi ako part, naiinggit ako. Kasi alam ko na kung ano ‘yung hirap, ‘yung talento na ibinubuhos doon sa pelikulang ‘yun kapag ginagawa nila ‘yun, tapos ‘yung proseso, ‘yung saya ng company habang ginagawa ‘yun, alam na alam ko ‘yun, eh.”
Dagdag pa niya, “Hindi ako nahihiya kung hindi man ako ang naisip ni direk Dante para rito sa project na ‘to. And then noong sinabi niya na kung gusto ko, kung okay sa ‘kin, talagang kahit na ‘yung time na ‘yun na, ‘di ba, kita n’yo naman, putok na putok ako roon, ang taba-taba ko (sabay-tawa).
“Pero sabi ko nga, kahit sa kalagitnaan talaga niyong trabaho namin sa ‘Probinsyano’ sa Ilocos, from Ilocos, umuuwi ako, diretso kami ng shooting.
“Kasi, sabi ko nga, ganoon ko bina-value si direk Dante at ‘yung proyekto na ginagawa niya every time na may project siya.
“Kaya sobrang grateful ako na natuloy ako rito sa project na ‘to, at nandito kami ngayon sa harapan ninyo.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com