This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
KAPWA nasa malubhang kalagayan ang isang barangay chairman at ang kanyang bodyguard makaraan pagbabarilin ng riding-in-tandem kahapon ng umaga sa Malabon City.
Nilalapatan ng lunas sa Manila Central University (MCU) Hospital ang mga biktimang sina Brgy. Tonsuya Chairman Policarpio “Pol” Ombas, at Ando Tan, driver/bodyguard, sanhi ng mga tama ng bala ng kalibre .9mm sa kaliwang balikat, kanang tagiliran at likod.
Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang mga awtoridad laban sa mga suspek na mabilis na tumakas sakay ng hindi naplakahang motorsiklo patungong Caloocan City.
Batay sa ulat ni Senior Supt. Severino Abad, hepe ng Malabon City Police, dakong 10:45 a.m. nang maganap ang insidente sa P. Aquino St., Brgy. Tonsuya ilang metro lamang ang layo sa Police Community Precint (PCP)-8.
Kapaparada lamang ng tricycle (9334-NV) na minamaneho ni Tan at habang papasakay si Ombas ay biglang sumulpot ang motorsiklong sinasakyan ng mga suspek at agad silang pinagbabaril saka mabilis na tumakas.
Inaalam ng mga awtoridad kung may kinalaman sa politika ang pananambang dahil kilalang supporter ng ibang politiko si Chairman Ombas at hayagan ang paglaban sa kasalukuyang lokal na administrasyon.