This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
ROXAS CITY – Patay ang dalawa katao habang 11 ang sugatan sa pagsabog sa harap ng isang paaralan sa Brgy. Lantangan, Pontevedra, Capiz kahapon.
Inihayag ni Brgy. Captain Henry Tumlos, dakong 12:10 p.m. nang marinig niya ang napakalakas na pagsabog.
Kasunod nito ay nakita na lamang na nakahandusay sa harap ng paaralan ang nagkalat na mga parte ng katawan ng suspek na siyang nagdala ng bomba.
Sinasabing nasa 12 bata ang nadamay sa pagsabog kasama na ang isang namatay na nananghalian lamang malapit sa barangay hall.
Ayon kay Tumlos, nakita ng ilang residente na naglalakad sa highway ang lalaking nakasuot ng kulay pink na damit na may dalang isang backpack nang bigla na lamang may sumabog.
Idineklarang dead on the spot ang 9-anyos na si Trina Rose Demayo habang sugatan ang 11 iba pa.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente kung ano ang motibo at uri ng pampasabog.