Maraming nabigo kay Davao City Mayor Rodrigo “Rody” Duterte
Jerry Yap
September 9, 2015
Opinion
MAHUSAY na lider at magaling na tao si Davao City Mayor (for all season) Rody Duterte.
Ang unang kalakasan niya, kilala niya ang kanyang sarili. Alam niya kung ano ang kanyang kapasidad. Importante ang mga bagay na ‘yan sa pagdedesisyon bilang isang lider.
Nang pumutok ang balitang tatakbo si Duterte pagka-presidente, nahinuha natin na mayroong ilang grupo o tao na nagbibigay sa kanya ng ideyang sungkitin ang pinakamataas na posisyong pampolitika sa bansa.
Kahit sinong nasa larangan ng pamomolitika at inalok sa ganitong posisyon normal na magkaroon ng interes.
S’yempre kahit paano, sinubukan din ni Duterte na ‘ika nga i-test ang water…
Naramdaman naman niya ang mainit na pagtanggap sa kanya ng masa. Kapag sinasalubong siya ng masa sa mga lugar na kanyang pinupuntahan ay talagang mararamdaman na gusto nila si Duterte bilang tagapagtanggol laban sa masasamang elemento.
Pero bigla siyang binira ng mga academician at elitista, maliliit na tulak ng droga lang daw ang kayang itumba ni Duterte at hindi niya kayang banggain ang mga economic saboteurs.
Pansamantalang nilamatan ng komentong ito ang katapangan ni Duterte, sa huli ay nanaig pa rin ang tiwala ng mas maraming naniniwala sa kanya na pwede siyang maging presidente.
Nitong nakaraang linggo nga ‘e pumutok na magdedeklara na si Duterte.
At nagdeklara nga siya kamakalawa… para biguin ang mga umasam na mabobola nila ang tunay na barako ng Davao.
Maraming nadesmaya at malamang mayroong mga umiyak pa…
Tama ba, Lito Banayo?
Ang tanong, ‘e bakit n’yo nga ba pinipilit?
Bakit pinipilit ninyong tumakbong presidente?
Ano ang interes ninyo?!
Siguro ay natauhan si Duterte sa tanong ng isang mamamahayag tungkol track records ng mga taong nakapalibot sa kanya at nagtutulak ng kanyang kandidatura.
Nagkataon na magaling sa lokal si Duterte pero alam niyang hindi siya ganoon kahusay kung nasyonal na ang pag-uusapan.
Kaya sorry na lang guys.
Anyway, mukhang may pag-asa pa naman kayo… sa presidential race pa lang umatras si Duterte, hindi pa sa pagiging bise presidente.
Malay natin, bigla siyang magdeklara na tatakbong VP…‘yun lang, hindi tayo tiyak kung kay Bongbong Marcos (BBM) o kay Mar.
Abangan pa more!
Mas orig daw na trapo si Serg
Kung trapo rin lang ang pag-uusapan, si Sen. Serg Osmena na marahil ang pinakatrapong politiko sa kasalukuyan. To-the-max na maituturing na traditional politican si Serg dahil kung titingnan mabuti ang kanyang political background, tiyak na mawiwindang kayo.
Unang pumalaot sa politika si Serg sa ilalim ng partidong NUCD-UMDP, pero hindi nakontento, lumipat sa Lakas-Laban. Hindi nagtagal, nagpunta sa LP at sa kalaunan ay nagtungo naman sa PDP-Laban.
Hindi lang trapo, original na balingbing pa si Serg. Para kay Serg, basta magsisilbi sa kanyang interes, gagawin niyang mag-oberdabakod ng partido kesehodang meron siyang masagasaaan.
Walang pakialam si Serg sa sasabihin ng publiko, basta paborable sa kanyang political career ang kanyang gagawin.
Ang isang malaking palaisipan din sa ngayon, kung bakit galit na galit si Serg kay Sen. Chiz Escudero.
Ang plano bang pagtakbo bilang vice pre-sident ni Chiz ang dahilan kung bakit nagagalit si Serg?
Hindi kaya inggit ang dahilan kaya nag-aalboroto ngaon si Serg?
Matatandaang bukod kay Chiz, si Serg ay supporter din ni Sen. Grace Poe noong nakaraang senatorial elections.
Ibig lang sabihin nito, kulang ba sa pansin si Serg?
Kahit konting pagtingin…
Cop Parañaque Police Chief S/Supt. Ariel Andrade mahigpit ba talaga sa attendance ng kanyang pulis? (Overstaying na)
Hindi natin alam kung dahil at home na at home na (as in overstaying na nga) bilang Parañaque police chief si Senior Supt. Ariel Andrade o talagang iba lang ang may tini-tingnan at tinititigan?!
Mainit daw kasi ang mata ni Kernel Andrade sa maliliit na pulis. Hindi lang niya makita ay sinisita na ang attendance.
Pero kapag ‘yung isang police na alyas CHARLIE, kahit isang linggo silang hindi magkita hindi niya hinahanap.
Kasi kapag nagkita sila, tiyak na happy daw siya at may kasamang parating?!
Iba daw talaga, kapag laging may ‘dalang pasalubong’ kaya hindi nasisita ang attendance?!
Tsk tsk tsk…
By the way, gaano ka na nga ba katagal diyan sa Parañaque police, Kernel Andrade?!
Mukhang at home na at home ka na raw kasi!
NCRPO RD Gen. Joel Pagdilao, hindi kaya maumay na sa kanyang pwesto si Kernel Andrade sa tagal na niya riyan sa Parañaque!?
Heavy traffic pa rin sa Macapagal Blvd. (Tatlong oras mula MOA hanggang Coastal Road)
Hanggang kahapon ay pinag-uusapan pa rin ang lumuwag na traffic sa Epifanio De Los Santos Avenue (EDSA).
Pero hindi pa rin nireresolbahan ang heavy traffic sa ‘maikling’ Macapagal Blvd., sa Pasay City.
Sana subukan dumaan ni Pangulong Noynoy sa Macapagal Blvd., nang maranasan niya ang tatlong oras na biyahe mula MOA hanggang Coastal Road na dinaig pa ang biyaheng Maynila hanggang Tagaytay para utusan din niya ang PNP Highway Patrol Group (HPG) na magmando ng trapiko ng mga sasakyan sa lugar na ito.
Nang sa gayon ay maramdaman naman ng mga taga-South Metro ang sinasabing pagluwag ng trapiko ng mga sasakyan sa kumpas ng mga taga-PNP-HPG.
Aabangan po namin ‘yan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com