Maraming nabigo kay Davao City Mayor Rodrigo “Rody” Duterte

duterteMAHUSAY na lider at magaling na tao si Davao City Mayor (for all season) Rody Duterte.

Ang unang kalakasan niya, kilala niya ang kanyang sarili. Alam niya kung ano ang kanyang kapasidad. Importante ang mga bagay na ‘yan sa pagdedesisyon bilang isang lider.

Nang pumutok ang balitang tatakbo si Duterte pagka-presidente, nahinuha natin na mayroong ilang grupo o tao na nagbibigay sa kanya ng ideyang sungkitin ang pinakamataas na posisyong pampolitika sa bansa.

Kahit sinong nasa larangan ng pamomolitika at inalok sa ganitong posisyon normal na magkaroon ng interes.

S’yempre kahit paano, sinubukan din ni Duterte na ‘ika nga i-test ang water…

Naramdaman naman niya ang mainit na pagtanggap sa kanya ng masa. Kapag sinasalubong siya ng masa sa mga lugar na kanyang pinupuntahan ay talagang mararamdaman na gusto nila si Duterte bilang tagapagtanggol laban sa masasamang elemento.

Pero bigla siyang binira ng mga academician at elitista, maliliit na tulak ng droga lang daw ang kayang itumba ni Duterte at hindi niya kayang banggain ang mga economic saboteurs.

Pansamantalang nilamatan ng komentong ito ang katapangan  ni Duterte, sa huli ay nanaig pa rin ang tiwala ng mas maraming naniniwala sa kanya na pwede siyang maging presidente.

Nitong nakaraang linggo nga ‘e pumutok na magdedeklara na si Duterte.

At nagdeklara nga siya kamakalawa… para biguin ang mga umasam na mabobola nila ang tunay na barako ng Davao.

Maraming nadesmaya at malamang mayroong mga umiyak pa…

Tama ba, Lito Banayo?

Ang tanong, ‘e bakit n’yo nga ba pinipilit?

Bakit pinipilit ninyong tumakbong presidente?

Ano ang interes ninyo?!

Siguro ay natauhan si Duterte sa tanong ng isang mamamahayag tungkol track records ng mga taong nakapalibot sa kanya at nagtutulak ng kanyang kandidatura.

Nagkataon na magaling sa lokal si Duterte pero alam niyang hindi siya ganoon kahusay kung nasyonal na ang pag-uusapan.

Kaya sorry na lang guys.

Anyway, mukhang may pag-asa pa naman kayo… sa presidential race pa lang umatras si Duterte, hindi pa sa pagiging bise presidente.

Malay natin, bigla siyang magdeklara  na tatakbong VP…‘yun lang, hindi tayo tiyak kung kay Bongbong Marcos (BBM) o kay Mar.

Abangan pa more!

[divider]

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com