Wednesday , July 24 2024

Tunay na smugglers ng balikbayan boxes at Season Garment nina Jaime at Anna

00 Kalampag percyNAKATATATLONG palit na nang hepe ang Bureau of Customs (BoC) mula nang maluklok ang administrasyong Aquino noong 2010 pero isa man sa kanila ay hindi napatino ang karumal-dumal na kalakaran sa nabanggit na tanggapan, lalo kung talamak na ang smuggling at pagnanakaw sa buwis ang pag-uusapan.

Si Commissioner Alberto “Bert” Lina, na nakabalik sa paborito niyang puwesto sa Customs, ay naubusan na ng maiimbentong gimik para pabanguhin ang kanyang sarili kay PNoy kaya pati ang pagkalkal sa balikbayan boxes at pagpapataw ng buwis sa mga kababayan nating OFW ay naisip niya para lamang matakpan ang kuwestiyon ng “conflict of interest” laban sa kanya at mailihis ang atensiyon palayo sa tunay na isyu – ang patuloy na pamamayagpag ng mga bigtime smuggler sa bansa.

Sa nakaraan nating kolum ay ibunulgar natin ang modus operandi nina Jaime at Anna, ang dalawang smuggler na sangkot sa malaking sindikato ng balikbayan boxes sa Customs.

Ang kanilang mga kontrabando na ipinupuslit sa Aduana ay nakapaloob sa mga 40 footer container van pero idinideklarang balikbayan boxes mula sa bansang Singapore at Hong Kong.

 Sina Jaime at Anna, na tinaguriang  “Hari” at “Reyna” ng ‘balikbayan box’ smuggling, ay matagal nang namamayagpag sa smuggling ng mamahaling cellphones, tablets, TV at high-end electronic gadgets na kanilang pinalulusot sa tulong nga mga tiwaling opisyal at kawani na kasabwat nila sa Customs.

Puwes, kung talagang sinsero at hindi pautot lang ang pakay ni Lina laban sa mga nagpapalusot ng kontrabando sa balikbayan boxes, ito na ang kanyang pagkakataon para patunayan ang kanyang sinseridad.

Aber, bakit hindi subukang pabantayan at ipabusisi ni Lina ang mga kargamentong ipinapasok at nilalakad ng kompanyang Season Garment sa Customs na balitang ginagamit sa smuggling sa pamamagitan ng misdeclaration?     

Sa isang warehouse o bodega sa lungsod ng San Juan idinidiretso ang mga palusot na kontrabando nina Jaime at Anna mula sa bakuran ng Customs.

Isang cabinet member raw sa Malacañang ang ipinagmamalaking padrino ng dalawang smuggler sa kanilang smuggling business.

Totoo kaya ang ipinagyayabang nina Jaime at Anna na ang nasabing cabinet member ay kamag-anak daw nila kung kaya’t hindi kayang sawatain ni Lina at ng matataas na opisyal ng Customs ang kanilang pagnanakaw sa buwis sa pamamagitan ng smuggling?  

Uy!!! Kilala ba ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda kung sinong cabinet member ang tinutukoy nina Jaime at Anna na kamag-anak at padrino nila sa Malacañang?

Abangan sa mga susunod nating kolum kung sino-sino ang totoong bigtime smugglers na hanggang ngayon ay namamayagpag ang smuggling, na mula pa noong unang termino niya ay dinatnan na ni Lina sa Customs.  

Subaybayan!

Wanted na barangay chairman sa Maynila

PINAGHAHANAP na naman pala ng awtoridad ang isang barangay chairman dahil sa kasong kriminal.

Inatasan ng korte ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at Manila Police District (MPD) ang pagdakip kay Chairman Bruha.

 Kunsabagay, sanay na sa selda si Chairman Bruha nang mabilanggo noon sa dalawang kaso ng murder, isa sa mga biktima ay pulis-Maynila pa na iniuugnay sa multi-million peso raket ng illegal terminal sa Lawton.

Ipinaligpit daw ni Chairman Bruha ang dalawang biktima dahil sagabal sila sa operasyon ng kanyang illegal terminal ng UV Express sa Lawton.

May ‘sumaklolo’ kay Chairman Bruha kaya nakalaya sa bilangguan pero bandang huli ay trinaydor din niya.

 Wala talaga ni katiting na katinuan ang Bruhang Chairman, ang importante sa kanya’y mapagkasya sa kanyang bulsa lahat ng katas mula sa illegal activities sa Lawton.

Bumibili pa siya ng espasyo sa diyaryo para maglathala ng mga kasinungalingan bilang “kulam-nista” na gamit sa pagsisipsip sa mga kapwa niya kampon ni Satanas.

Kakampihan kaya siya ng kanyang mga kasanggang mandarambong sa kinakaharap ngayong criminal case sa Manila Regional Trial Court?

“Droga at nakawan talamak sa Munti”

ISANG nagmamalasakit at nababahalang constituent ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi ang nag-email sa atin tungkol sa talamak na droga at kaso ng nakawan sa lungsod.

Umaasa siya na sa pamamagitan ng pitak na ito, maaaksiyonan nina Mayor Fresnedi at Muntinlupa Police chief Senior Supt. Allan C. Nobleza ang kanyang sumbong.

Tunghayan po natin ang liham:

“Matagal na po akong sumusubaybay sa kolum ninyo.

Gusto ko lang isumbong ang talamak na bentahan ng droga sa Phase 3 Block 7 Lot 5 sa Barangay Poblacion NBP Area, Southville 3.

Bukod po sa droga, talamak din po ang nakawan sa naturang barangay na tila walang ginagawa ang mga pulis at barangay officials.

Wala po akong nakikitang nagrorondang pulis at barangay gabi-gabi.

May mga nagaganap din pong patayan na kagagawan ng mga ilegalista, kawatan at drug pushers.

Sana po makarating ito sa kinauukulan, lalo na kay Mayor Jaime Fresnedi at sa hepe ng Muntinlupa Police na si Senior Supt. Allan C. Nobleza.

Maraming salamat at mabuhay po!”

Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

About Percy Lapid

Check Also

Dragon Lady Amor Virata

Mag-asawa for mayor sa 2025 local elections

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata SABI ni Parañaque City Cong. Edwin Olivarez, ang utol …

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Paghihintay sa SONA

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. INAASAHANG nakatutok ang mata ng lahat sa Presidente sa …

Dragon Lady Amor Virata

Daming fake news sa socmed mga apektado kawawa naman

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata SIYENTO PORSIYENTONG lumilitaw na ang social media ay ‘marites’ …

Sipat Mat Vicencio

Manalo kaya si Digong sa 2025 elections?

SIPATni Mat Vicencio NAGKAKAMALI ang marami kung inaakalang tuluyang makalulusot si dating Pangulong Rodrigo “Digong” …

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Mga mungkahi sa susunod na DepEd chief

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BAGO pa siya manumpa sa tungkulin bilang Kalihim ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *