Ang P11.35-M para sa dentista at ang P817.8-M undeclared wealth ni VP Sara

00 Aksyon Agad

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

PASALIMUOT nang pasalimuot ang impeachment trial sa Senado laban kay Vice President Sara Duterte lalo nang iulat sa impeachment court ng isang forensic financial analyst ang sinasabi niyang milyon-milyong undeclared assets ng VP, at maging ang sinasabing milyon-milyong halaga rin ng salapi na natanggap ng dentista ng pamilyang Duterte.

Sa pagdinig ng Senate impeachment court, nang isalang si Financial Forensic Analyst Atty. Alexander Cabrera, inilatag niya ang kanyang mga isinagawang pagsusuri sa mga bank records at financial documents.

Sa pagtatanong ni House prosecution panel member Rep. Chel Diokno, binigyan-pansin ni Cabrera ang ilang transaksiyon at tinawag itong “banking behaviors that may warrant further review and investigation”.

Sa testimonya ni Cabrera na tumestigo sa impeachment trial nitong nakaraang Biyernes, may kabuuang P11.35 million ang sinabing pumasok o natanggap umano ng family dentist ni VP Sara mula sa bank account ng Bise.

Naitanong din ni Diokno ang patungkol sa mga financial documents nina Duterte at Atty. Mans Carpio, kay Cabrera kung sino si “Lourdes Libosada” na nakatanggap umano ng milyon-milyon mula sa mag-asawa.

Ang perang ibinigay kay Libosada ay bahagi lamang ng tinukoy ni Cabrera sa kanyang ulat na “certain banking behaviors that may warrant further review and investigation”.

Ani Cabrera, “Si Ms. Lourdes Libosada po ay (ito po) ‘yung partner po ni Atty. Mans Carpio po sa kanya pong business na Cale88. At 47.5% po ‘yung kanilang ownership sa Cale88.”

Ayon kay Cabrera, ang Cale88 ay ang kompanya ni Carpio na gumagawa ng banana chips na umano’y nakatanggap ng pondo mula sa iba’t ibang bansa, kabilang ang ilang kompanyang nag-uugnay sa estado ng China at isang kompanya sa Ukraine.

“Si Lourdes Libosada rin po ang family dentist or at least po dentista po ni VP Sara po,” dagdag pa ni Cabrera patungkol sa katauhan ni Libosada.

Nang usisain ni Diokno kung ano ang naging basehan ng kanyang pahayag, sinabi ni Cabrera, “Mayroon po kaming nakitang Facebook post po ng Libosada Clinic po (kung saan po) magkasama po si Dr. Libosada at si VP Sara po.”

Ipinakita naman ng prosekusyon sa korte ang picture ni Libosada kasama si Duterte sa kanyang clinic na ayon sa Google ay matatagpuan sa Davao City.

Nang kalkalin ang kabuuang halagang napunta sa dentista, binunyag ni Cabrera ang malaking halaga, “Ang total po ng cheke na ibinayad po kay Ms. Lourdes Libosada ay P11.35 million na sa palagay ko po ay hindi po ‘yan bayad sa pasta.”

Ayon sa prosekusyon, sinusuportahan nito ang alegasyon laban kay Duterte na mayroon siyang undeclared assets at unexplained wealth simula noong naupo siya bilang Bise Presidente noong 2022.

Aabot sa halos isang bilyong piso ang pinagsamang halaga ng umano’y hindi idineklarang assets at unexplained wealth ng mag-asawa, ayon sa pagsusuri at testimonya ng beteranong financial expert kahapon.

Eksaktong P817,874,867 ang inilatag na kabuuang kuwenta ni Cabrera sa impeachment court para sa 2022 hanggang 2025, na sumasaklaw sa cash, personal at real properties, at nakuwentang kita ng mag-asawa at mula sa ilang korporasyon na umano’y hindi idineklara.

Pinakamalaki ang halagang tinukoy noong 2024 na umabot sa P264,217,123. Sinundan ito ng P195,692,505 noong 2025, P190,628,012 noong 2022, at P167,337,227 noong 2023. Sa kabuuan, ito ay aabot sa P817,874,867.

Sa cash pa lamang, umabot sa P207,696,933 ang pinagsamang halagang tinukoy na hindi idineklara sa apat na taon. Nasa P60,214,776 ito noong 2022; P80,701,151 noong 2023; P23,169,077 noong 2024; at P43,611,929 noong 2025.

Bukod sa cash, may P143,497,177 pang umano’y hindi idineklarang iba pang personal at real properties, neto ng mga ibinawas sa pagkukuwenta. Kabilang dito ang P76,147,730 noong 2022; P3,934,560 noong 2023; P52,016,994 noong 2024; at P11,397,893 noong 2025.

Sa pagsusuri naman ni Cabrera sa pinagsamang kita ng mag-asawang Duterte-Carpio, umabot sa P111,852,349 ang nakuwentang umano’y hindi idineklara. Nasa P50,474,511 ito noong 2022; P12,198,235 noong 2023; P28,030,203 noong 2024; at P21,149,400 noong 2025.

Malalaking halaga rin ang lumitaw sa pagsusuri kaugnay ng Cale88, Metro City at GenCorp.

Para sa Cale88 at Metro City, umabot sa P142,198,690 ang kabuuang nakuwentang umano’y hindi idineklarang kita. Mula P3,790,995 noong 2022; naging P14,788,989 ito noong 2023; sumipa sa P86,944,369 noong 2024; at nasa P36,674,337 noong 2025.

Sa GenCorp naman, umabot sa P212,629,718 ang nakuwentang umano’y hindi idineklarang kita para sa tatlong taon: P55,714,292 noong 2023; P74,056,480 noong 2024; at P82,858,946 noong 2025. Walang halagang nakatala para sa 2022 sa kategoryang ito.

Samantala, napaulat na mariing itinanggi ni VP Sara ang mga ibinabatong alegasyon laban sa kanya at sa kanyang pamilya. Binanggit din ng VP na ang House prosecution panel ay ‘nag-iimbento’ lamang ng mga ebidensiya at pinalalabas na mga iregularidad ang mga karaniwang transaksiyon upang sirain ang kanyang pagkatao sa gitna ng proseso ng impeachment.

Samantala, napaulat na mariing itinanggi naman ni VP Sara ang mga ibinabatong alegasyon laban sa kanya at sa kanyang pamilya. Binanggit din ng VP na ang House prosecution panel ay nag-iimbento lamang ng mga ebidensiya at pinalalabas na mga iregularidad ang mga karaniwang transaksiyon upang sirain ang kanyang pagkatao sa gitna ng proseso ng impeachment.