KUNG pagbabasehan ang kuwento ni Direk Paul Soriano sa presscon ng Kid Kulafu magiging interesado ang sinumang nakikinig sa kanya. Dalawang taon pala kasi ang ginawang research ng grupo ni Direk Paul sa buhay ni Manny Pacquiao kaya tiyak na mas makikilala ng publiko ang tunay na Pacman sa pelikulang Kid Kulafu.
Kuwento ng kabataan ng eight-division world champion na si Emmanuel (Pacman) ang itatampok sa pinakaaabangang sports drama movie ng taon, ang Kid Kulafu na mapapanood na sa mga sinehan sa buong bansa sa Abril 15 (Miyerkoles).
“Ang focus nito ay ang buhay ng batang Pacman—mula pagkapanganak hanggang sa pagka-teenager niya, bago pa niya nakamit ang lahat ng championship, yaman, at kasikatan,” ani direk Paul, ang direktor ng pelikulang handog ng ABS-CBN, Star Cinema, at Ten17 Productions.
“Makikita sa pelikula kung gaano kahirap ang buhay nila Manny sa General Santos at paano niya hinarap, nilabanan, at pinatumba ang bawat problema na sumubok sa tibay ng kanyang loob at pananalig sa Diyos,” ani Direk Paul.
Ayon pa kay Direk Paul, mas naging inspirado siyang gawin ang Kid Kulafu nang higit na makilala ang People’s Champ matapos ang ilang beses na masinsinang usapan nila sa gitna ng dalawang taong research para sa pelikula.
Samantala, labis na karangalan naman para sa dating child actor na si Buboy Villar ang maging bahagi ng biographical film tungkol kay Manny, lalo pa at siya ang gumanap bilang si Pacman.
“Noong nag-audition po ako, pang-1,000 plus po ang number ko. Kaya po nang nalaman kong ako po ang napili, sobrang saya ko dahil idol ko po talaga si Pacquiao,” sabi ni Buboy na dumaan sa matinding boxing training para sa pelikula.
“Dahil sa ‘Kid Kulafu’ nalaman ko pong malaking inspirasyon si Sir Manny sa mga bata ngayon dahil sobrang sipag niya, may pangarap na makaahon sa hirap at malaki ang respeto at pagmamahal sa kanyang mga magulang at pamilya,” ani Buboy. ”Noong pumasok po si Sir Manny sa amateur boxing, hindi po niya goal na manalo. Ang gusto lang po niya ay makatulong na may makain ang pamilya niya at maging proud sa kanya ang mga magulang niya.”
Tiniyak pa ni Buboy na, ”Marami pa pong bagong malalaman ang tao tungkol kay Paquiao sa pelikula. Marami pa po siyang pinagdaanan na hindi pa natin alam. Dahil bago siya maging champion sa mata ng buong mundo, siya muna ang batang puno ng pangarap at pag-asang si Kid Kulafu.”
Kinunan ang mga eksena ng Kid Kulafu sa mga piling lugar sa Sarangani at General Santos na kinalakhan ni Manny.
Gaganap sa pelikula bilang mga magulang ni Manny na sina Dionisia at Rosalio ang award-winning actors na sina Alessandra de Rossi at Alex Medina. Bahagi rin ng cast sina Cesar Montano, Khalil Ramos, at Igi Boy Flores. Ito ay sa ilalim ng panulat niFroilan Medina, samantalang tumayong creative consultant ng pelikula si Amor Olaguer at fight director si Erwin Tagle.
Sa kabilang banda, naglabas na ang ABS-CBN Store ng koleksiyon ng Kid Kulafu movie merchandise gaya ng T-shirts, hoodies, at bags. Mabibili na ito sa ABS-CBN Store sa The Loop sa ABS-CBN compound sa Quezon City o online sa pamamagitan ng paglog on sa www.abs-cbnstore.com. Darayo rin ang ABS-CBN Store sa mga piling sinehan pagkapalabas ng pelikula. Mabibili rin ang Kid Kulafu movie merchandise sa mga sumusunod na Elorde Gyms: Elorde Gilmore, Elorde Katipunan 1, at Elorde Maceda.
ni Maricris Valdez Nicasio