ALAM ba ninyong ang sobrang depresyon at kalungkuta’y nagiging dahilan para tayo’y magkaroon ng sakit sa puso? Napatunayan na ng mga doktor na isa sa mga dahilan ng atake o “stroke” ay kapag ‘di na makayanan ng isang tao ang bigat ng problemang bitbit sa dibdib.
Sa Gandang Ricky Reyes Todo Na Toh (GRR TNT) ngayong Sabado ay magbibigay ng payo si Mader Ricky Reyes kung paano natin malulunasan ang kalungkutan.
“Ang mga babae’y nagpupunta sa dance class para habang kumekendeng sa tugtog ng aerobics, mumba, Tahitian o Hawaiian ay lumalakas ang katawan at mag-goodbye sa depresyon. Mayroong nagwi-window shopping, nagfu-foodtrip o nakikipagtsikahan sa mga amiga sa mall” sabi ni Mader Ricky.
“Ang mga lalaki nama’y pumapasok sa sports tulad ng golf, tennis, at badminton. Puwede rin silang magpunta sa spa at mag-work out sa mga gym. Minsa’y tumatawag ng ilang kaibigan para maglaro ng chess, tong-its at poker,” dagdag ng beauty guru.
Magbibigay din ang GRR TNT ng listahan ng mga pagkaing “anti-depressant” tulad ng iba-ibang klase ng chocolate bars, cake, at matamis na napatunayang nakapagpapasigla ng pakiramdam. Bisita sa programa ang isang 18-anyos na You-Tube singing sensation. Aawitin niya ang mga walang kamatayang theme song ng mga romantiko na garantisadong makatatanggal ng lungkot habang binabalikan natin ang matatamis at masasayang araw sa ating buhay.
Pasasayahin din ni Mader ang isang malungkuting ginang. Patitikman niya rito ang make over magic sa kanyang segment na Welcome To My World.
Samahan natin tuwing Sabado, 9:00-10:00 a.m. si Mader RR sa kanyang lifestyle program na prodyus ng ScriptoVision at umeere sa GMA News TV.