PAIIMBESTIGAHAN ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ang P65-B Line 1 Cavite Extension Project dahil sa hinihinalang anomalya.
Sa panayam kay Colmenares, House Senior Deputy Minority Leader, tinukoy ang ilang kahina-hinala sa proyekto tulad ng pagkakaroon ng “conflict of interest” sa pagitan ng Department of Transportation and Communications at ng Ayala Corporation na kasosyo ng Metro Pacific Investmenst Corporation sa Light Rail Manila Consortium.
Partikular na tinukoy ang sinasabing pagiging magkapatid nina DoTC Undersecretary Rene “Timmy” Limcaoco at Jose Teodoro K. Limcaoco, Senior Vice President ng Ayala Group of Companies.
Sinabi ni Colmenares dapat may disclosure proceedings o pagbubunyag kung may magkamag-anak sa pagitan ng nagpapa-bid at bidders.
Naniniwala si Colmenares na hindi tama ang ginawa ng DoTC at ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na hinayaan ang MPIC at Ayala Corp., ang bidder sa P65-B proyekto.
Dapat aniya na humikayat ang nasabing ahensya ng iba pang kompanya na lumahok sa bidding upang may mapagpilian na magandang offer ang pamahalaan.
Karaniwan umano kapag isa lang ang bidder ay overpriced kaya mamamayan ang papasan sa pagtataas ng pasahe sa LRT1.
Nagbabala si Colmenares sa LRTA Board na magpupulong bukas (Martes) na huwag munang i-award ang kontrata sa kumpanyang Light Rail Manila Consortium.
Binigyang-diin ng mambabatas na walang dahilan para madaliin ang pagbibigay ng kontrata hangga’t hindi pa nalilinawan ang mga isyu.
Sa P9.5-b bid ng Light Rail Manila Consortium, P5-B rito ang sagot ng gobyerno para sa pagsisimula ng pagpapatupad ng proyekto.
Layon ng proyekto na i-extend ang LRT-1 mula 20.7 kilometers sa Caloocan City hanggang 32.4 kilometers sa Baclaran na magtatapos sa Bacoor, Cavite,
Maghahain ng resolution si Colmenares para imbestigahan ng House Committee on Transportation ang bilyong pisong kontrata. (BRIAN GEM BILASANO)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com