James Ty III
HINDI naman kami nagulat nang ipinasok ang sikat na volleyball player na si Michelle Gumabao sa Pinoy Big Brother All In bilang isa pang housemate.
Sa tingin namin ay tuluyang iiwanan na ni Michelle ang pagiging volleyball player at papasok na siya sa showbiz dahil kahit sikat na ang volleyball, allowance lang ang bayad sa mga manlalaro tulad ni Michelle, ‘di tulad sa PBA na milyones ang kita ng mga player tulad ni James Yap.
At dahil si Michelle ay anak ng dating aktor na si Dennis Roldan, bukod sa pagiging maganda, seksi at mautak, siguradong swak na swak siya sa showbiz.
Naging host dati si Michelle sa isang programang sports sa GMA News TV 11, bukod sa pagiging analyst ng volleyball sa TV.
Ngunit mas pinili niyang makapasok sa Bahay ni Kuya upang mapalapit siya sa showbiz at sundan ang yapak ng kanyang ama.
Kilala namin si Michelle bilang mabait at maganda dahil nakausap na namin siya ng personal noon pero sana, pagkatapos ng PBB ay mapanatili pa rin niya ang pagiging mautak at mapagkumbaba.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com